Isang opisyal ng pulisya ang inaresto sa loob mismo ng Philippine National Police headquarters sa Camp Crame kaugnay ng umano’y pangongotong nito sa mga security guard na kumukuha ng ID.

(kuha ni Kevin Tristan Espiritu)

(kuha ni Kevin Tristan Espiritu)

Ito ang kinumpirma ngayong Lunes ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa biglaang pulong balitaan, at kinilala ang inaresto na si Capt. Gerry Manuel Revecho, hepe ng ID Production Section ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA).

Sinabi ni Albayalde na inaresto si Revecho ng mga tauhan ng  Counter-Intelligence Task Force (CITF), Civil Security Group (CSG) at Intelligence Group (IG) sa loob ng opisina ng SOSIA nang tanggapin umano nito ang P20,000 marked money, Biyernes ng hapon.

National

Kitty Duterte, ibinahagi latest na mensahe ni FPRRD sa kanilang pamilya

Gayunman, ngayon lang isinapubliko ng PNP ang insidente.

Binigyang-diin ni Albayalde na tambak na ang reklamong natanggap ng CITF laban kay Revecho, kaugnay ng umano’y pangingikil nito sa 32 security guard, kapalit ng mabilisang pagpapalabas ng ID ng mga ito.

“There were complaints against him and that triggered the operation. According to the complainants, he was asking for P20,000 to facilitate or expedite the processing of the IDs of the security guards,” ani Albayalde.

Sinibak na ni Albayalde si Revecho habang iniimbestigahan ito, at mahaharap sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Anti-Red Tape Act, at mga kasong administratibo.

-Martin A. Sadongdong