SA wakas ay natuloy na ang thanksgiving party sa Chateau 1771, One Bonifacio High Street, Taguig City na matagal nang pangako ni 2018 Metro Manila Film Festival Best Supporting Actress Aiko Melendez dahil sa pagkakapanalo niya para sa pelikulang Rainbow Sunset. Kamakailan, nanalo rin ang aktres sa Gawad Pasado Awards sa parehong kategorya.
Kahit pagod sa biyahe, dahil galing pa sa Zambales kasama ang boyfriend niyang si Subic Mayor Jay Khonghun, masaya at isa-isang nilapitan ni Aiko ang mga kaibigan sa media sa loob nang maraming taon.
Kasabay ding dumating ng aktres ang mga anak na sina Andrei Yllana at Marthena Jickain at ang mama niyang si Ms Elsie Blardony, ang kapatid ng aktres, at mga non-showbiz friends.
Abut-abot ang pasasalamat ng aktres sa mga dumalo at patuloy na sumusuporta sa lahat ng projects niya, kasabay din ng pagsuporta sa boyfriend niyang kumakandidatong bise gobernador ng Zambales.
Bagamat party-party at kantahan sana ang magaganap ay hindi naiwasang hindi kapanayamin ng media si Aiko, kasama si Mayor Jay, kaugnay ng pagkakasama ng huli sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin ang ama nitong si Zambales 1st District Rep. Jeffrey Khonghun.
Pero bago ang lahat ay humingi muna ng dispensa si Aiko sa ABS-CBN management, particularly sa Dreamscape
Entertainment head na si Deo T. Endrinal, dahil umatras ang aktres sa teleseryeng Sandugo na pagbibidahan nina Aljur Abrenica at Ejay Falcon. Kasama rin sa serye sina Ariel Rivera, Cherie Pie Picache, Elisse Joson, Ogie Diaz, Arlene Muhlach, Jeric Raval at ang nagbabalik-telebisyon na si Cogie Domingo.
“I’ll take this opportunity to give my apologies to ABS-CBN kasi I was suppose to do a teleserye with them, Sandugo. Nakita niyo na ‘yung publicity shoot nando’n na ako.
“Sadly, hindi namin kasi nakita itong mangyayari, itong nangyayari ngayon sa sitwasyon namin ni Jay. So, I had to decline. Pasensiya na po. And babawi po ako sa inyo. Mas kailangan lang kasi talaga ako ngayon ni Jay, iyon lang. Pasensiya na po.”
Nagpaalam naman na raw nang maayos si Aiko sa management, “Nakapagpaalam ako nang maayos po kina Tito Boy (Abunda, manager niya) at humihingi po ako ng pasensiya kay Sir Deo at Sir Erick Salud (business unit head). ‘Yung role na ‘yun ay ginawa talaga for me, ibinigay na nila kay Vina (Morales) which I’m happy kasi kaibigan ko si Vina.
“Sabi nga ni Vina sa akin, ‘sis tanggapin ko ‘yung project’, sabi ko tanggapin mo kasi maganda ‘yung project na ‘yan.
“But you know sa buhay ng tao, there’s always a reason, maybe hindi talaga para sa akin dahil mas kailangan ako ni Jay.”
As of now ay wala pang alam si Aiko kung ano ang next project niya sa ABS-CBN, dahil ang konsentrasyon niya ay nasa 45 days campaign period ni Mayor Jay, na magsisimula nang mangampanya sa Marso 29.
“So in that 45 days na ‘yun, we’ll be going around the whole Zambales kaya wala talagang time, so after no’n, God willing, I know God is good sana bigyan ulit ako ng magandang project,”pahayag ng aktres.
Anyway, kahit may mga isyung isinasangkot si Mayor Jay ay ‘tila hindi naman daw ito nakaapekto sa mga kababayan niya sa Zambales.
“Iniisip nga namin kung nakaapekto ba, parang mas gusto namin ang reception ng tao ngayon kasi ‘yung pagyakap nila kay Jay, ‘yung pagpapasalamat nila na ngayon ko lang nalaman these past few weeks na ganu’n pala siya kamahal ng mga tao sa Zambales. Ang dami pala niyang nagawa. So, that’s something I’ll be proud of, something na affirmation ko na ‘ah, pumupusta naman pala ako sa tamang tao. Kumbaga, kung may na-give up man ako ngayon sa punto ng career ko, worth it naman pala
‘yung pinupustahan ko kasi ang dami niya palang natulungan,” pagmamalaki ng aktres sa kanyang future husband.
Habang nagsasalita si Aiko ay pinagmamasdan din namin ang reaksiyon ni Mayor Jay, at napaka-simple at malumanay na tao pala ang ama ng Zambales, na nakatatlong termino na. Wala kaming nakitang bahid ng kayabangan, dahil makikita mo ‘yun sa body language niya.
“Well, nagpapasalamat ako siyempre
sa mga kababayan natin sa Zambales dahil alam naman kasi nila kung ano ang totoo, and sila ‘yung nakakakilala sa pagkatao ko at nagpapasalamat ako at mahal pa rin nila ako dahil sa mga pinagdadaanan ko and they always supported me and I’m very thankful,” pahayag ni Mayor Jay.
“Masakit, pero kasi the accusation against me are false and baseless. I’ve always supported this administration, its battle on illegal drugs, so, ano lang keep the faith. Alam naman ni God kung ano ang totoo, so ‘yun ang nagpapalakas sa amin araw-araw,” aniya pa.
Niliwanag ni Aiko na hindi siya nagpapaalam sa showbiz kundi break lang, dahil nga kailangan niyang samahan sa laban ngayon ang boyfriend niya. For the record ay 30 years na ang aktres sa showbiz.
“Break lang for 45 days, at sa mga susunod na crucial, until in Jesus name again, eh maupo siya sa Kapitolyo, at matapos ‘yun, eh okay na akong magtrabaho ulit kahit araw-araw na,” saad ng aktres.
Matinding magmahal si Aiko, at kapag mahal niya talaga ay thru thick and thin, sinasamahan niya kahit pa apektado ang career niya.
“Iyong ma-accuse ‘yung taong mahal mo ng isang bagay na alam mong hindi totoo? Masama man pakinggan pero for him to be tagged as one of the narco-politicians na drug lord, that’s something so unfair.
“Kasi, if there’s one person who knows Jay very well, that should be me. And I’ve seen how he works. Wala akong nakitang illegal, eh. Sa telepono niya, wala akong naririnig na may kausap na kaduda-duda. Even ‘yung drivers niya—10 years, 15 years [na sa paglilingkod sa kanya], mga staff niya, puro taon ang binibilang. Ang shortest (2 years). The most is 20 years. And sila mismo ang nagba-vouch sa credibility ni Jay,” paliwanag ni Aiko.
Pinalagan din ni Aiko ang na-post sa social media na may nagsabi sa kanya ng “condolence”, na ang pinatutungkulan ang ay boyfriend niya.
“Actually doon ako umalma kasi parang foul na ‘yun. Magko-condolence ka sa taong buhay pa? That’s foul already, kaya I address that issue not only in my Facebook (page) but in my Instagram as well, saying na don’t be quick to judge, kasi you don’t know the whole story.
“Malalim ang istorya na ito. Hindi lang ito sa mga nababasa ninyo sa diyaryo o napapanood ninyo sa TV. You know in every story, there’s always all side and hindi nila nakikita ‘yung lahat ng puntong iyon. Kaya masakit,” sabi ng aktres.
-Reggee Bonoan