KINANSELA ang laban ni dating WBO Oriental featherweight titlist Neil John Tabanao sa walang talong boksingero ni multi-division world titlist Floyd Mayweather, Jr. na si Angelo Leo para hamunin si Philippine super bantamweight champion Mark Anthony Geraldo sa Mayo 11 sa Tagum City, Davao del Norte.
Nakatakdang labanan ni Tabanao ang walang talong si Leo sa ShoBox main event sa Abril 5 sa Sam’s Town Hotel & Gambling Hall, Las Vegas, Nevada sa United States pero mas pinili ng Pinoy boxer na harapin si Geraldo.
Beterano ang 24-anyos na si Tabanao na sumagupa at natalo sa puntos kay dating WBO super bantamweight champion Isaac Dogboe noong 2016. sa 10-round na sagupaan sa Accra, Ghana.
Sa dalawang pagdayo sa Australia, pinatulog niya sa 3rd round ang dating walang talong si Aussie world rated Ibrahim Balla kaya natamo ang WBO Oriental featherweight title bago napatigil sa 3rd round si ex-WBC Asian Boxing Council bantamweight titlist Yotchanchai Yakaeo sa mga sagupaang naganap sa Bendigo, Victoria.
May rekord naman si Geraldo na 37-9-3 at natamo niya ang bakanteng Philippine title nang talunin noong nakaraang Pebrero 11 si Virgel Vitor sa Tagbilaran City, Bohol.
-Gilbert Espeña