Nag-viral ang Facebook post ng isang commuter matapos niyang ilabas ang kaniyang matinding saloobin hinggil sa matinding trapik na naranasan niya nitong Martes, Hunyo 30, matapos ang sorpresang kilos-protesta ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC), na nagtipon-tipon sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.
Matatandaang madaling-araw pa lang, nagsimulang dumagsa ang libo-libong miyembro ng mga INC, at iba pang non-members, para magpakita ng pagsuporta kay Sen. Rodante Marcoleta, na sinasabing dadakpin na sa kasong plunder ngayong linggo.
Matapos ang biglaang pagsulpot ng mga raliyista, nagdulot ito ng matinding bigat ng daloy ng trapiko sa EDSA at iba pang mga pangunahing lansangan.
Sa kaniyang Facebook post, ikinuwento ng netizen na maaga siyang umalis ng bahay upang makapasok sa trabaho sa oras, ngunit naipit pa rin siya sa mabigat na daloy ng trapiko.
Ayon sa kaniya, 5:00 pa lamang ng umaga ay bumiyahe na siya at naglaan ng mahigit tatlo't kalahating oras para makarating sa kaniyang pinagtatrabahuhan bago ang kaniyang 8:30 na time-in.
Gayunman, 8:00 na umano ng umaga ay nasa Camp Crame area pa rin siya dahil sa matinding pagsisikip ng trapiko.
"Sino bang di magagalit? Left home at 5AM, alloted at least 3 hours and 30 minutes before my official work time-in by 8:30AM. Pero pasado alas-otso na, nasa Crame pa rin kami. Sobrang daming commuters ang naipit sa traffic sa EDSA, para ano? Ultimo mga miyembro hindi alam kung bakit sila nagtitipon,” ani niya.
Nilinaw naman ng netizen na wala siyang personal na galit sa mga miyembro ng INC, pero may nais siyang igiit sa kanila.
"Hindi ako galit sainyo, wala akong personal beef sa relihiyon n'yo. Pero kung nakaka-perwisyo at hindi man lang nagbigay ng paunang pasabi, ibang usapan yun."
"Hassle na ngang umuulan, dinagdagan pa ng yamot sa traffic. To my INC friends and relatives, no hard feelings, pero legit, perwisyo tong call for accountability eme ninyo," aniya pa.
Sa comment section ng kaniyang post, muling ipinaliwanag ng netizen na hindi siya galit sa mga miyembro ng INC.
"Alam n'yo, sabi ko, wala akong personal beef sa mga INC. No hard feelings. Pero kung yung 'pinaglalaban' nila ay idinaan sa sistematiko at maayos na paraan, maiiwasan sana yung mas malaking naging abala para sa mga manggagawa," aniya.
"Kung totoong kasama kami sa pinaglalaban n'yo, edi salamat. Pero kung iniisip n'yo din ang kapakanan namin, sana naisip n'yo na napakalaking abala nito sa mga normal na manggagawa na kumikita sa orasan na basehan."
"Wala akong masamang tinapay sa mga INC, kasi may mga relatives at kaibigan akong INC--- ang punto dito, sana dumaan sa maayos at masistemang proseso para sa ikabubuti ng bawat tao," aniya pa.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay "Edcel," bagama't tumanggi siyang banggitin kung ano ang trabaho niya at kung saan siya nagtatrabaho, sinabi niyang hindi na-excuse ang pagka-late niya dahil hindi naman daw "force majeure" ang nangyari.
"Regarding sa late, hindi na-excuse since hindi naman considered na force majeure yung nangyari, at wala pang existing policy/ies na nag-declare ng suspension re: unannounced rally. Mostly internal arrangements lang before," paliwanag niya.
"So, walang legal basis kaya di na-consider," aniya pa.