Noon lamang Miyerkules, Hulyo 1, pormal nang kinilala ng World Bank ang Pilipinas bilang kasapi ng mga bansang napapabilang sa “Upper Middle-Income Country.”
Batay sa anunsyo ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), naarok ng bansa ang gross national income (GNI) per capita na $4,850 noong 2025.
MAKI-BALITA: World Bank, kinilala Pinas bilang 'upper middle-income country!'-Balita
Dahil dito, kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at ng Department of Finance (DOF) ang anila’y “milestone” ng bansa sa larangang pang-ekonomiya.
“After nearly four decades as a lower-income country since 1987, this milestone affirms that economic policies we have pursued over the past four years have been effective,” saad ni PBBM.
MAKI-BALITA: 'Worth of celebrating’: PBBM, binida pagiging 'upper-middle-income country' ng PH!-Balita
“The Philippines’ transition to an upper middle-income country is an affirmation of the reforms and policies that the government has consistently pursued to strengthen our economy and create more opportunities for our people,” saad naman ni DOF Secretary Frederick Go.
MAKI-BALITA: DOF, kinilala pag-angat ng Pilipinas bilang ‘upper middle-income country’-Balita
Pero paano nga ba napapabilang ang isang bansa sa kategoryang upper middle-income country?
Ayon sa World Bank, ang Development Data Group ay naglalabas ng datos kaugnay sa mga katergorya ng mga bansa depende sa kanilang GNI per capita.
Nahahati sa apat na kategorya ang mga bansa: low, lower-middle, upper-middle, at high.
Anang World Bank, ang resultang lumabas ngayong Hulyo 2026 ay siyang gagamitin upang bumuo ng panibagong pagsisiyasat para naman sa taong 2027.
Ang panibagong kategoryang kinabibilangan ng bansa—upper middle-income country—ay maaabot sa pamamagitan ng pagkakaroon ng GNI per capita sa pagitan ng $4,636 at $14,375.
Dahil sa $4,850 GNI per capita ng Pilipinas noong 2025, umakyat ito mula sa pagiging lower middle-income country sa loob ng halos apat na dekada.
Liban sa Pilipinas, kasama nitong umangat patungong upper middle-income country ang mga bansang Jordan, Micronesia, Sri Lanka, at Vietnam.