Pormal nang kinilala ng World Bank ang Pilipinas bilang isang upper-middle-income country (UMIC) matapos lumampas ang gross national income (GNI) per capita ng bansa sa itinakdang antas para sa naturang income classification.
Sa pahayag ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) noong Miyerkules, umabot sa $4,850 ang GNI per capita ng Pilipinas noong 2025, mas mataas sa $4,636 na minimum threshold ng World Bank para maituring na kabilang sa upper-middle-income economies.
Ayon sa DEPDev, bunga ito ng tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya, maayos na pamamahala sa macroeconomy, at pagpapatupad ng mga repormang pang-ekonomiya sa nakalipas na mga taon.
“The shift was underpinned by steady economic expansion, with Gross Domestic Product (GDP) growing by an average of 5.8 percent from 2021 to 2025," anang DEPDev.
Saad pa ng ahensya, “Strong performance across all industries raised GNI per capita by 8.5 percent in 2025, lifting the Philippines from the lower-middle into the upper-middle income category.”
Sinabi naman ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan na ipinapakita ng bagong katayuan ang matatag na pagbangon ng ekonomiya sa kabila ng iba't ibang hamon sa loob at labas man ng bansa.
“Despite global and domestic shocks, we have relentlessly pursued inclusive growth, strengthened fundamentals, and remained on track with our development agenda.”
Inaasahan din ng pamahalaan na mas mapapalakas ng bagong income classification ang credit profile ng bansa, tataas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan, at mahihikayat ang mas maraming de-kalidad na pamumuhunan na lilikha ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.
Bagama't kinilala ni Balisacan na maaaring mabawasan ang access ng bansa sa ilang low-interest development loans, naniniwala siyang mas malaki ang magiging benepisyo ng mas matatag na ekonomiya at mas malawak na oportunidad sa pandaigdigang merkado.
“We welcome this recognition of our progress, and we commit to deepen reforms to sustain our economic development,” aniya pa.
Binigyang-pugay rin ng kalihim ang malaking kontribusyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pag-abot ng Pilipinas sa naturang antas.
Gayunman, nilinaw ni Balisacan na hindi nangangahulugang tuluyan nang nalutas ang mga suliraning pang-ekonomiya ng bansa sa pag-angat nito bilang upper-middle-income country.
“We acknowledge that income disparities persist, and many continue to face economic difficulties. Our priority is to ensure that growth becomes more inclusive, and that its benefits reach all Filipinos,” saad pa niya.