Isa sa mga kasabihan at babalang paulit-ulit na ipinapaalala ng mga matatanda ay ang pagiging maingat sa bawat hinihiling sa buhay, dahil may mga pagkakataong pinagbibigyan ito ng tadhana.
Sa pagkakataong mapagbigyan ito, ang kahilingan ay maaring maging pagpapala o bangungot na may kaakibat na mga negatibong pangyayari.
Ang paniniwalang ito ang pundasyon ng “One Wish Willow” trend na kumakalat sa social media ngayon, kung saan, makikita ang netizens maiging pinag-iisipan ang wish nilang pinakaaasam sa buhay bago putulin ang ilang maliliit na sangay ng puno.
Bago ito kumalat sa social media, saan nga ba nagmula ang “One Wish Willow” trend?
Ang trend na ito ay nagmula sa supernatural horror film na “Obsession,” na nakasentro sa wish-granting item na nabibili sa isang gift shop.
Sa una, mukha lamang itong isang laruan o souvenir na mayroong simpleng panuto na kailangan putulin ang willow stick o sanga sa loob ng packaging habang iniisip ang wish upang magkatotoo ito.
Ngunit sa pelikula, ipinakita na ang bidang lalaki na si “Baron” (Michael Johnston), na mayroong lihim na pagtingin sa katrabaho niyang si Nikki (Inde Navaraette) ay hiniling na mahalin siya nito nang lubos.
Mapapanood na nagkatotoo ito ngunit may “twist” dahil naging obsessed si Nikki kay Baron at dito lumabas ang labis niyang pagseselos at iba pang kakaibang mga pag-uugali na nagresulta sa mapanganib at nakakatakot na relasyon.
Ayon sa ilan pang mga ulat, ang konseptong ito ay nakaugat sa maikling kuwento na pinamagatang “Monkey’s Paw” ni WW Jacobs nong 1902, kung saan sinasabi na lahat ng hiling ay natutupad ngunit may nakakabit ditong trahedya.
Dahil maraming manonood ang sumubaybay sa “Obsession,” tila naging “novelty product” ang “One Wish Willow” at lubos itong tinangkilik hanggang sa labas ng kuwento nina Baron at Nikki sa pelikula.
Mga kondisyon sa paggamit ng “One Wish Willow”
Ayon sa website, single-use o isang beses lamang puwede gamitin ang One Wish Willow.
Ipinagbabawal dito ang pagsubok ng maraming beses dahil “one wish per life” lamang kada tao ang nagkakatotoo rito.
Dahil dito, hindi na maaaring baguhin ang nahiling na.
Kaya mahalagang pag-isipang maigi ang hihilingin bago putulin ang willow stick.
Ang mga bagay na hindi matutupad ay ang mga sumusunod: - Time manipulation
- Resurrection o muling pagkabuhay ng patay
- Immortality o hindi na muling pagkamatay
- Paghiling sa pagkakaroon ng marami pang “One Wish Willows”
Higit sa lahat, ipinapayo sa website na sinumang gumamit nito ay dapat maging responsable sa kinalabasan ng kanilang hiling.
Negatibong epekto ng “One Wish Willow” trend
Sa inilabas na pahayag ng National Council on Disability Affairs (NCDA) noong Miyerkules, Hulyo 1, inihayag nila ang kanilang pagbahala sa netizens na sumusunod sa trend upang pagtawanan ang Persons with Disability (PWDs).
Saad pa ng NCDA, dahil dito, naireport na nila ang trend sa TikTok upang mahikayat ang netizens at moderators na maging responsable sa kanilang contents at maireport din ang iba pang gagaya at manghihiya sa kondisyong pinagdadaanan ng PWDs.
Ang aksyong ito ay nakabatay din sa Republic Act 7277 o ang Magna Carta for Persons with Disability na nagbabawal sa panghihiya o pagturing na katatawanan ang PWDs sa anumang uri ng media, kabilang dito ang memes, videos, o comments.