July 23, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Sigaw ng raliyista, 'Bakit nilulunod ang pag-iimbestiga sa flood control scam?'

#BalitaExclusives: Sigaw ng raliyista, 'Bakit nilulunod ang pag-iimbestiga sa flood control scam?'
Photo courtesy: Richard de Leon/BALITA

Pukaw-pansin ang nakasulat sa placard na hawak ng isang raliyista pangatlong araw na isinagawang rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Huwebes, Hulyo 2.

Matatandaang noong Martes, Hunyo 30, naganap ang sorpresang rally ng INC members sa EDSA People Power Monument sa Quezon City, isang araw matapos ang White Ribbon March noong Linggo, Hunyo 28, na dinaluhan ng iba't ibang grupo. Nagpatuloy ito noong Miyerkules, Hulyo 1 matapos makakuha ng permit.

Muling humingi ng permit ang INC para sa pagpapatuloy ng pagtitipon para sa Huwebes, Hulyo 2. Inisyal itong inaprubahan, gayunman, binawi ng Quezon City local government ang permit para sa ikatlong araw ng rally matapos makatanggap umano ng mga reklamo mula sa ilang residente hinggil sa epekto nito sa trapiko at iba pang abala sa lugar.

Hindi nagpatinag ang grupo, at inanunsyong sa Liwasang Bonifacio sa Maynila na gaganapin ang rally, na agad namang tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Isang "freedom park" ang Liwasang Bonifacio kaya hindi kailangang kumuha ng permit kapag magsasagawa ng mga kilos-protesta.

Human-Interest

Friendship burnout?' Mga senyales na nakakapagod na ang pagkakaibigan ninyo

Maki-Balita: 'Peaceful assembly' ng INC sa Liwasang Bonifacio, hindi kailangan ng permit–Manila LGU

Sinabi rin ni Manila City Mayor Isko "Moreno" Domagoso na pagdating sa pagsasagawa ng rally, wala siyang kakaba-kaba kapag INC ang gumagawa nito.

Maki-Balita: ‘Wala akong kakaba-kaba!’ Yorme, panatag kapag INC nagkilos-protesta

Bukod sa pangangalampag sa transparency and accountability sa mga sangkot na opisyal ng pamahalaan sa maanomalyang flood control projects, ito raw ay pagpapakita rin ng suporta sa kanilang "Kapatid" na si Sen. Rodante Marcoleta, na nahaharap sa posibleng pagdakip dahil sa kasong plunder, na nag-ugat sa milyong donasyon para sa kaniya.

Maki-Balita: INC, nagtataka bakit kakasuhan si Marcoleta

Matatandaang kay Marcoleta na rin nanggaling noong Nobyembre 2025 ang pag-amin niyang tumanggap siya ng kontribusyon mula sa kaniyang mga kaibigan noong SAGIP Partylist Representative bago siya tumakbo bilang senador.

Maki-Balita: ALAMIN: Ano ang plunder at bakit nagitgit si Sen. Marcoleta sa kasong ito?

Nangyari ang isyu ng nakatakdang pagdakip isang linggo bago rumatsada ang paglilitis sa impeachment ni Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court, sa darating na Lunes, Hulyo 6.

Isa nga ang raliyistang si "Kokoy" sa mga naglaan ng oras para makilahok sa nabanggit na rally.

Kasama si "Kokoy" sa daan-daang miyembro at tagasuporta ng INC na nagtipon sa Liwasang Bonifacio bilang bahagi ng ikatlong araw ng kanilang panawagan para sa transparency at accountability sa pamahalaan.

Naabutan siya ng Balita at iba pang mga taga-media na may hawak na malaking placard, na may nakasulat na "'Bakit nilulunod ang pag-iimbestiga sa flood control scam?"

Nang mga sandaling iyon, inaayos pa lamang ang entablado para sa programa sa hapon, kaya naman, nagpaunlak ng panayam si Kokoy.

Sa maiksi at eksklusibong panayam ng Balita, sinabi ni Kokoy na sinadya niyang maglaan ng oras upang makiisa sa pagtitipon at iparating ang kanyang panawagan para sa masusing imbestigasyon at pananagutan ng mga opisyal na mapatutunayang sangkot sa umano’y maanomalyang mga proyekto sa flood control.

Ayon sa kaniya, mahalagang mabigyang-linaw ang usapin dahil direktang nakaaapekto sa mamamayan ang paggamit ng pondo ng gobyerno, lalo na sa mga proyektong may kinalaman sa kaligtasan ng publiko tuwing panahon ng kalamidad.

Bilang isang mamamayan, sinabi niyang naniniwala siya na dapat maging bukas at tapat ang mga opisyal ng pamahalaan sa paggamit ng kaban ng bayan.

Samantala, sa kabila ng pagbabago ng venue, nanatiling mataas ang bilang ng mga dumalo na nagdala ng iba’t ibang placard at mensaheng humihiling ng mas malalim na pagsisiyasat sa mga isyung may kaugnayan sa paggamit ng pondo ng bayan, kabilang ang umano’y flood control scam.

Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang isinasagawang pagtitipon, ayon kay Manila Police District Police Major Philip Ines.