Inihayag ni Manila City Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na wala siyang ikinababahala sa tuwing Iglesia Ni Cristo (INC) na raw ang nagsasagawa ng rally.
Ayon sa alkalde, naging maayos at mapayapa ang unang araw ng pagtitipon ng INC sa Liwasang Bonifacio, kung saan nagtayo rin ng LED screen ang mga organizer para sa programa. Marami sa mga dumalo ay nagmula sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
“Kapag Iglesia Ni Cristo (INC) ang nagra-rally, wala akong kakaba-kaba,” ani Domagoso.
Sa ikalawang araw ng pagtitipon, nanatili sa Freedom Park ang ilang grupo, kabilang ang mga kalahok mula sa Unang Distrito ng Batangas, na nagtayo ng mga tent at pansamantalang nagkampo sa lugar.
Sinabi ni Domagoso na walang naitalang anumang kaguluhan sa buong magdamag.
“Mapayapa sila kahapon eh, doon sila sa Freedom Park. Okay naman. Wala naman,” giit pa ng alakde.
Bandang 10:00 ng umaga, ilan sa mga raliyista ang sumakay na ng mga bus patungong EDSA upang makiisa sa iba pang aktibidad, habang may maliit na bilang pa ring nanatili sa Liwasang Bonifacio.
Ipinaliwanag din ng alkalde na hindi kinakailangan ng permit para sa mga pagtitipon sa Freedom Park, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
“Sa totoo lang, ‘pag INC ’yan nagra-rally, wala akong kakaba-kaba… katulad ng huli nilang ginawa dito sa Luneta na may permit, ilang milyon sila doon,” giit pa niya.
Ayon pa sa alkalde, ipinatutupad ng pamahalaang lungsod ang polisiya ng maximum tolerance sa lahat ng grupong nagsasagawa ng mga lehitimong kilos-protesta, habang patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang mahahalagang lansangan upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang pagpasok ng mga raliyista sa mga restricted area tulad ng Mendiola at Malacañang.
“So far okay naman. Maayos naman,” aniya pa.
Bagama't naging mapayapa ang pagtitipon, inamin ni Domagoso na nakaranas ng mabigat na daloy ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada sa Maynila dahil sa paggalaw ng mga kalahok.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang Recto, Morayta at España, na karaniwang nakararanas ng pagsisikip ng daloy ng sasakyan tuwing may malalaking pagtitipon sa lungsod.