July 23, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Manila Police sa seguridad ng INC rally: 'Hindi tayo magiging kampante!'

#BalitaExclusives: Manila Police sa seguridad ng INC rally: 'Hindi tayo magiging kampante!'
Photo courtesy: Richard de Leon (Balita)/Diann Calucin (MB)

Tiniyak ni Manila Police Major Philip Ines na nakahanda ang pulisya ng Maynila sa mga magaganap sa peace rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Huwebes, Hulyo 2.

Matatandaang lumipat sa Liwasang Bonifacio ang mga miyembro ng INC matapos bawiin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang ibinigay nilang permit para maipagpatuloy ng grupo ang kanilang pagtitipon, para mangalampag sa pamahalaan patungkol sa transparency at accountability, na may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.

Pagpapakita rin nila ito ng pagsuporta para kay Sen. Rodante Marcoleta, na nakaambang arestuhin dahil sa kasong plunder na isinampa laban sa kaniya ng Office of the Ombudsman.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Police Major Ines, natanong sa kaniya kung nakahanda ba ang kapulisan kung sakaling biglang lumusob sa Malacañáng ang mga raliyista, tutal ay malapit na ito sa venue ng nabanggit na rally.

Ayon kay Ines, naka-red alert ang mga kapulisan at hindi raw sila nakakampante.

Human-Interest

Friendship burnout?' Mga senyales na nakakapagod na ang pagkakaibigan ninyo

"Unang-una, sabi nga natin, we always wish for the best, but expect the worst. Pagdating sa antas ng seguridad, hindi tayo magiging kampante," aniya.

Noong nakaraang araw pa raw may mga nakatalagang pulis sa kanilang designated areas, at pagdating naman sa Liwasang Bonifacio, hindi naman daw kailangang kumuha ng permit para makapagsagawa ng pagtitipon dahil isa itong "freedom park."

May contingency plan din ang pulisya kung sakaling mapuno ang Liwasang Bonifacio ng mga inaasahan nilang crowd estimate sa mga dadalo. Mahusay rin nilang pinamamahalaan ang usapin naman pagdating sa parking area.

"Walang pagpigil sa ating hanay, pero kagabi pa, emergency meeting headed by our district director, para mapag-usapan ang mga gagawin naming mga paglalatag ng mga seguridad," aniya.

Naniniwala rin aniya siyang magiging mapayapapa sa pangkalahatan ang nabanggit na rally, kagaya ng naunang Transparency and Accountability rally ng INC na isinagawa naman sa Quirino Grandstand, Rizal Park noong Nobyembre 2025, na naging mapayapa rin.

Iginiit din ni Ines na maaga na ring nagkansela ng mga klase sa lahat ng antas, pampribado o pampubliko man, si Manila City Mayor Isko "Moreno" Domagoso para matiyak ang kaligtasan ng mga guro, school personnel, at lalong-lalo na ng mga mag-aaral.

Bukod sa rally, handa rin ang pulisya sa iba pang mga "puwersang" maaaring samantalahin ang pagkakataon ng isang malaking pagtitipon kagaya ng rally. Nanawagan siya sa lahat na maging mapagmatyag upang maiwaasan, o kaya naman, maagapan ang anumang banta ng krimen.

"Maging mapagmatyag kayo, kung may mapapansin kayong kahina-hinalang indibidwal base sa kanilang presensya at galaw, i-report n'yo po sa mga awtoridad," aniya.

Hindi raw nila isinasantabing baka may manggulo, gayunpaman, iba pa rin daw kapag may tumutulong na maging vigilante at magkaroon ng pakialam sa mga nangyayari sa paligid.

Sa kabuuan, nang itanong kung paano niya ilalarawan ang nagaganap na INC rally, sinabi niyang hindi na raw bago sa kanila ang mga malakihang pagkilos, kaya inaasahan niyang magiging maayos ito.