MAY pagkakataon ang homegrown breeder na maagaw ang titulo sa Amerikanong si Cris Copas ng Kentucky at kasanggang si Claude Bautista ng Mindanao-CPB Group, sa pagbabalik ng aksiyon sa World Slasher Cup sa Mayo 27.
Ipinahayag ng organizers ng pamosong derby sa bansa, na lalarga ang 2019 World Slasher Cup 2 na magtatagal hanggang Hunyo 2 sa makasaysayang Smart Araneta Coliseum.
Nakamit nina Cris at CPB ang solo championship sa torneo nitong Pebrero matapos isabak ang mga pambatong Kelsos, Roundheads at Sweaters. Naitala ng entry nina Bautista, dati na ring kampeon sa WSC, at first time WSC winner Copas ang perpektong 9-0 panalo.
Matikas nilang naging karibal ang Team Alcala na tumapos na may 8 puntos para sa kanilang isinabak na Birthday Gift 1 at 2 entries, kabuntot ang Belle Almojera ng Florida, at Santi Sierra ng Cebu na may 7.5 puntos/
Tumapos naman na may tig-7 punos ang entry nina dating champion Nene Araneta, Biboy Enriquez, at cockfight idol Patrick Antonio – kampeon sa nakalipas na season at may tangan ng pitong WSC title.
Hindi lamang local bagkus international field ang sumasabak sa World Slasher Cup – itinuturing Olympics sa cockfighting.
Kabilang sa mga regular foreign participants sina Marty Bentley at Brett McCormick ng Ohio.
“We loved it that’s why we’re back,” sambit ni Bentley. “It’s something we’ve always wanted to do,” aniya.
Bitbit ang palabang Toppy Hatch breeds, pitong beses nang lumalaban sa Slasher Cup si Tim Fitzgerald ng Utah.
“We have good roosters in the States, too, but this is right among the top,” aniya.
Itinataguyod ang World Slasher Cup, nagbabawal sa pagpapalaban ng hennies, ng media partners PitGames Media, Inc., ABS-CBN Action + Sports’ “Sagupaan,” “Sabong Nation,” at “Sabong Pilipinas”; TV5’s “All New Tukaan” at “Bakbakan Na TV.”
Bukas na ang pagpapatala at ang mga interesado ay maaari nang bumisita sa the World Slasher Cup official website www.worldslashercup.ph; o makipag-usap sa Derby Office sat el. blg. 588-4000 local 8227, o 911-2928.