Dinampot ng awtoridad ang 42-anyos na lalaki sa umano’y pangmomolestiya sa kanyang anak at pamangkin sa Valenzuela City, nitong Miyerkules ng umaga.
Sa imbestigasyon, natutulog ang 13-anyos na pamangkin nang magising at makita ang kanyang tiyuhin na umano’y hinahawakan ang maseselang bahagi ng kanyang katawan sa Bignay, Valenzuela City, dakong 4:00 ng madaling araw.
Idinagdag ng pulis na nagreklamo rin ang 15-anyos na anak ng suspek laban sa kanya sa panghihimas umano ng kanyang dibdib noong Nobyembre 21, 2018.
Nang malaman ang insidente, kinumpronta ang suspek ng kanyang misis, at sila ay nagtalo. Binantaan din umano ng suspek na papatayin ang kanyang misis sa pamamagitan ng pagtutok ng gunting sa ginang.
Nagpasaklolo ang misis sa mga pulis, at inaresto ang suspek.
Dinala ang suspek sa Women and Children Protection Desk of the Valenzuela City Police.
-Joseph Almer Pedrajas