Dead on arrival na nang naisugod sa ospital ang isang 16 taong gulang na binatilyong nalunod matapos iligtas ang babaeng kaklaseng muntikan na ring malunod sa isang ilog sa Bukidnon.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagpaalam umano ang grupo ng biktima mula sa kani-kanilang tahanan para umano mag-practice ng sayaw para sa aktibidad nila sa eskwelahan.
Bago tuluyang umuwi, napagkasunduan daw nilang maligo sa ilog kung saan nangyari ang insidente. Habang mga nakalusong sa tubig, napansin umano ng biktima na unti-unti na raw lumulubog ang kaniyang kalase kaya’t agad niya siyang tinulungan.
Base sa mga ulat, nagawang mailigtas ng biktima ang kaniyang kaklase ngunit siya naman ang tuluyang nalunod.
Sinasabing isang mangingisda ang nakakita sa palutang-lutang na katawan ng biktima mula sa ilog.
Bunsod nito, kaagad siyang isinugod sa Bukidnon Provincial Hospital subalit hindi na siya umabot nang buhay.
Ayon sa Maramag Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MMDRRMO), naging pahirapan ang kanilang pagresponde dahil sa lokasyon ng nasabing ilog. Hindi rin umano basta-basta nadadaanan ng sasakyan ang papunta roon na tinatayang mayroong walong kilometro ang layo mula sa national highway.
Inalis na rin ng mga awtoidad ang anggulong may foul play sa pagkamatay ng biktima.