Patay ang apat na miyembro ng isang pamilya matapos masunog ang kanilang bahay sa Arakan, North Cotabato, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa report ni Sr. Fire Officer Ronald Valle, hepe ng Arakan Fire Station, ang mga nasawi ay kinilalang sina Ronie Monteser, 44 anyos; ang buntis niyang anak na si Mary Jane Carugda, 19; at ang asawang si Rienheart Carugda; at anak na si Andrea, 1.
Sinabi ni Valle, natutulog umano ang mga biktima nang sumiklab ang sunog, dakong ala-1:45 ng madaling araw.
Madali aniyang kumalat ang apoy dahil ancestral house ang tinitirahan ng pamilya na gawa lamang sa light materials.
Kabilang sa mga nasunog ang motorsiklo na nakaparada sa bahay ng mga ito.
Inaalam pa ng imbestigador ang sanhi ng insidente at ang halaga ng naabo.
-Fer Taboy