Isang lalaking suspek sa pagnanakaw ang nasawi matapos umanong mang-agaw ng baril ng pulis sa loob ng presinto sa Sampaloc, Maynila, ngayong Lunes ng madaling araw.
Dead on arrival sa Ospital ng Sampaloc si Brando Badid, nasa 30-35 anyos, ng Pier 15, Port Area, Maynila.
Sa ulat ni S/Sgt. Joel Jazareno, ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), ang insidente ay naganap sa loob ng Sibama Police Community Precinct (PCP), na sakop ng Sampaloc Police Station (PS-4) na nasa panulukan ng Maceda at Simoun Streets, dakong 1:34 ng madaling araw.
Nauna nang dinala umano ng mga barangay tanod si Badid sa naturang presinto matapos na maaresto sa kasong pagnanakaw.
Gayunman, habang nasa loob ng istasyon ng pulisya si Badid at ibina-blotter ang pagkakaaresto sa kanya, bigla na lang umanong sinunggaban nito ang baril ni P/Patrolman Rolando Foronda, Jr.
Nagpambuno ang dalawa sa naturang baril, na tatlong ulit na aksidenteng pumutok, at minalas na tamaan ang suspek sa mukha sa huling putok.
-Mary Ann Santiago