PHILADELPHIA (AP) — Naisalba ni Stephen Curry ang foul trouble tungo sa naisalansan na 28 puntos para sandigan ang Golden State Warriors sa 120-117 panalo kontra Philadelphia 76ers nitong Sabado (Linggo sa Manila).
!--more-->
Matikas na nakihamok ang Sixers sa kabuuan ng tatlong period, ngunit sa pangunguna ni Curry nagawang mapigilan ng Warriors ang pagtatangka ng home team na makaisa sa kabila ng suporta ng nagbubunying sellout crowd.
Naisalpak ni Curry ang three-pointer para sa 111-109 bentahe, bago naitabla ng Sixers. Muli, diskarte ni Curry sa naiskor na anim na sunod may 2:35 ang nalalabi sa laro.
May tsansa pa ang Sixers na maitabla ang iskor, ngunit nagtamo ng krusyal turnover may 1.7 segundo sa laro.
Hataw si Kevin Durant sa natipang 34 puntos, habang kumana si DeMarcus Cousins ng 25 puntos para sa Warriors, naglaro na wala si Klay Thompson na nagtamo ng pamamaga sa kanang tuhod.
Hindi rin nakalaro sa Sixers – sa ikalimang sunod na laro -- ang star player nilang si Joel Embiid bunsod ng injury.
SUNS 118, LAKERS 109
Sa Phoenix, ratsada sina Deandre Ayton na may 26 puntos at Devin Booker na may 25 puntos sa panalo ng Phoenix Suns kontra Los Angeles Lakers.
Nagawang makahabol ng Lakers, sa pangunguna ni Lebron James, upang matapyas ang bentahe sa single digit mula sa 108-94 may 6:06 sa laro.
Isang dunk ni James ang nagpakaba sa home crowd para mailapit ang iskor sa 112-109, ngunit nagpakatatag ang Suns sa naiskor na anim na free throw sa huling 52 segundo.
Tumapos si James na may 27 puntos, 16 assists at siyam na rebounds, habang kumana si Ingram ng 25 puntos.
SPURS 116, THUNDER 102
Sa San Antonio, ginapi ng Spurs, sa pangunguna ni LaMarcus Aldridge na may 27 puntos at 10 rebounds, ang Oklahoma City.
Nag-ambag si Rudy Gay ng 22 puntos at tumipa si DeMar DeRozan ng 18 puntos, pitong assists at anim na rebounds para sa ikalwang sunod na home victory ng San Antonio matapos ang masaklap na 1-7 karta sa road trip. Natamo ng Thunder ang ikaanim na sunodf na kabiguan.
Sa kabila ng losing skid, nasa No.3 ang Oklahoma City sa Western Conference katabla ang Portland sa 38-24 marka. Umabante naman sa No.7 ang San Antonio katabla ang Los Angeles Clippers sa parehong 35-29 karta.
Naglaro ang Thunder na wala ang leading scorer na si Paul George, nagmintis sa ikalawang sunod na laro bunsod ng pamamaga ng kanang balikat.
Kumubra si Schroder na may 18 puntos, habang umiskor si Russell Westbrook ng 19 puntos.
GRIZZLIES 111, MAVS 91
Sa Dallas, hataw si Jonas Valanciunas sa naiskor na 20 puntis at 10 rebounds, habang kumana si Joakim Noah ng 12 puntos sa panalo ng Memphis Grizzlies kontra Dallas Mavericks.
Nag-ambag sina Avery Bradley at rookie Jevon Carter ng tig-15 puntos, habang humarbat sina Mike Conley at C.J. Miles ng tig-12 puntos.
Nanguna si Luka Doncic sa Mavericks na may 22 puntos, at nagsalansan sina Dwight Powell ng 13 puntos at Tim Hardaway Jr. na may 10 puntos.
Sa iba pang laro, ginapi ng Orlando Magic ang Indiana Pacers, 117-112; tinupok ng Miami Heat ang Brooklyn Nets, 117-88.