June 02, 2026

Home BALITA Probinsya

Sanggol, ika-21 biktima sa gumuhong estruktura sa Pampanga!

Sanggol, ika-21 biktima sa gumuhong estruktura sa Pampanga!
Photo courtesy: Angeles City Information Office (FB)

Isang bangkay na pinaniniwalaang infant o sanggol ang nahukay ng rescuers mula sa gumuhong gusali sa Barangay Balibago ayon sa Angeles City Information Office, nitong Martes ng gabi, Hunyo 2, 2026.

Batay sa ulat ng Unified Command kay Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II, matagumpay na naiahon ng mga responder ang mga labi bandang alas-6:01 ng gabi mula sa lugar ng insidente.

Kung makukumpirma, ito na ang ika-21 nasawi sa trahedyang dulot ng pagguho ng naturang estruktura.

Alinsunod sa umiiral na standard operating procedures, agad na isinailalim sa pangangalaga ng City Health Office ang mga labi bago ito inilipat sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa Disaster Victim Identification (DVI) at pormal na pagkilala sa pagkakakilanlan ng biktima.

Sa ngayon, hindi pa opisyal na kinukumpirma ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nasabing biktima habang nagpapatuloy ang proseso ng pagsusuri.

Probinsya

Mga nasawi sa pagguho sa Pampanga, umakyat na sa 20!

Patuloy naman ang search, rescue, retrieval, at clearing operations sa lugar habang walang tigil na nagtatrabaho ang mga miyembro ng Unified Command upang tiyaking wala nang iba pang posibleng na-trap sa ilalim ng mga debris.

Sinabi rin ng mga awtoridad na nananatiling prayoridad ang kaligtasan ng lahat ng personnel na kasalukuyang nakikibahagi sa operasyon.

Patuloy namang hinihintay ng publiko ang mga susunod na update mula sa mga awtoridad kaugnay ng insidente at sa kabuuang bilang ng mga naapektuhan ng pagguho ng gusali sa Balibago.

Maki-Balita: Mga nasawi sa pagguho sa Pampanga, umakyat na sa 20!

Gumuho ang nabanggit na estruktura noong madaling-araw ng Linggo, Mayo 24.

Maki-Balita: 9-storey building sa Pampanga, gumuho; ‘rescue and retrieval,’ masusing isinasagawa