Gumuho ang isang itinatayong nine-storey concrete building sa Balibago, Angeles City, Pampanga, nitong madaling araw ng Linggo, Mayo 24.
Batay sa paunang ulat ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office (ACDRRMO), 24 indibidwal na ang matagumpay na nailigtas mula sa pagguho at dalawang katao naman mula sa isang apartelle na tinamaan nito.
Kasalukuyang isinasagawa ang “rescue and retrieval” upang matiyak ang kaligtasan ng iba pang posibleng naapektuhan ng naging pagguho.
Sa kasalukuyan din, naka-activate ang Unified Command System ng Angeles City local government unit (LGU) upang matiyak ang maayos na koordinasyon ng lahat ng kinauukulang ahensya.
Sa ilalim pa ng sistemang ito, pinangungunahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang rescue at retrieval operations; ang Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ang nangangasiwa sa logistics at suporta sa operasyon; ang Philippine National Police (PNP) ang nangangasiwa sa seguridad at crowd control; habang ang City Information Office (CIO) naman ang naatasang nagbibigay ng opisyal na impormasyon sa publiko.
Patuloy namang hinihikayat ng LGU ang publiko na umiwas sa lugar ng insidente upang hindi makaabala sa nagpapatuloy na rescue operations.