Tuluyan nang napatalsik sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga matapos bumoto ang malaking mayorya ng kaniyang mga kapwa mambabatas pabor sa kaniyang pagpapatalsik sa isinagawang plenary session sa House of Representatives nitong Martes, Hunyo 2.
Sa botong 265 pabor, 14 tutol, at 8 abstention, inaprubahan ng Kamara ang rekomendasyon ng Committee on Ethics and Privileges na tanggalin si Barzaga sa kaniyang puwesto dahil sa umano’y paulit-ulit na paglabag sa mga pamantayan ng asal ng isang miyembro ng HOR.
Si Barzaga, na unang naupo bilang kongresista noong Hunyo 30, 2025 sa pagsisimula ng 20th Congress, ay nagsilbi nang halos 11 buwan bago tuluyang mapatalsik sa puwesto.
Ang rekomendasyon ng komite ay nagmula sa reklamong inihain ni House Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin. Nakabatay ito sa mga pahayag ni Barzaga sa social media na nag-uugnay umano kina Garin, kaniyang anak, at House Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor sa pagkamatay ng isang vice mayor na nasawi dahil sa aksidenteng pagputok ng baril.
Sa plenary session, sinabi ni 4Ps Party-list Rep. JC Abalos, chairman ng Committee on Ethics and Privileges, na matapos ang masusing pagsusuri ay napatunayang nagpakita si Barzaga ng asal na hindi naaayon sa pagiging miyembro ng Kongreso.
Ayon sa komite, hindi ito ang unang pagkakataong naharap sa kaparusahan ang solon mula sa Dasmariñas. Dalawang beses na siyang nasuspinde nang tig-60 araw nang walang sahod dahil umano sa "disorderly behavior."
Gayunman, sinabi ng komite na hindi naging sapat ang mga naunang parusa upang mabago ang kaniyang asal, dahilan upang humantong na sa pagrekomenda ng pinakamabigat na kaparusahan ng expulsion o pagpapatalsik sa puwesto.
Kabilang sa mga binanggit na paglabag laban kay Barzaga ang umano’y paulit-ulit na paggambala sa mga plenary session, malalakas na pagsigaw habang may sesyon, at iba pang kilos na nakakaabala sa mga pagdinig at deliberasyon ng Kamara.
Tinukoy rin ng komite ang ilang social media posts ni Barzaga, kabilang ang isang video kung saan nilagyan umano ng animated crocodile images ang mga larawan ng ilang mga kasamahan sa Kamara.
Pinuna rin ng mga kasamahan ang pagsasagawa niya ng Facebook Live broadcasts mula mismo sa plenary floor kung saan umano’y kinukunan niya ng video ang ilang kapwa mambabatas nang walang pahintulot at gumagawa ng mga aksyong itinuturing na hindi naaayon sa parliamentary decorum.
Maki-Balita: 'Guilty sa ethics complaint!' Kiko Barzaga, 60 araw suspendido, wala ring suweldo
Noong Mayo 4, 2026, tuluyang nakabalik at nakadalo sa sesyon ng Kamara si Barzaga. Dito ay sinabi niyang umaasa siyang muling makakapagtrabaho at hindi na mapatawan ng pangatlong suspensyon.
Maki-Balita: Congressmeow, balik-Kamara na; umaasang 'di na siya masuspinde!
Nasa plenary hall si Barzaga nang isagawa ang nominal voting para sa kaniyang kaso. Matapos ideklara ang resulta, pormal na pinagtibay ng Kamara ang rekomendasyon ng komite para sa kaniyang pagpapatalsik.
Kapansin-pansin ding mas marami pang kongresista ang bumoto para patalsikin si Barzaga kumpara sa bilang ng mga bumoto pabor sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte noong Mayo 11.
Sa ambush interview naman kay Barzaga ng media, sinabi niyang wala aniya siyang pinagsisisihan sa mga ginawa niya noon, at mas maganda pa nga raw ang nangyari sa kaniya dahil mas marami pa siyang matutulungan at maaalagaang pusa.