June 02, 2026

Home FEATURES Trending

Kailangan bang magkasakit muna bago mag-leave sa trabaho?

Kailangan bang magkasakit muna bago mag-leave sa trabaho?

Ang mga Pinoy ay kilalang likas na masipag at matiyaga sa anumang trabaho na kanilang ginagawa. 

Kaya sa bansa, isa sa mga sikat na kasabihan ay ang “kung may tiyaga, may nilaga,” dahil naniniwala ang mga Pilipino na may bunga ang bawat pagpapagal at pagsisikap. 

Ngunit paano kung sa kasagsagan ng lahat ng ito, hindi inaasahang manghina ang katawan at magkasakit? 

Dito na pumapasok ang iba’t ibang paid leaves na inilathala sa batas upang maprotektahan ang kalusugan, kapakanan, at work-life balance ng mga empleyado.

Ang mga sumusunod ay ang leave benefits na mandato ng DOLE 

Trending

'Certified and notarized!' Supermarket sa isang mall sa Legazpi, nakisakay sa 'Sharmaine' trend

Service Incentive Leave (SIL)

Sa ilalim ng Artikulo 95 ng Labor Code ng bansa, ang SIL, na binubuo ng limang araw na paid leave ay ibinibigay sa private sector employee na nakapag-render ng isang taong paninilbihan sa kompanya. 

Ito rin ay maaaring gamitin para sa vacation o sick leave, depende sa kagustuhan ng isang empleyado. 

Kadalasan, kung hindi magagamit, ang SIL ay nako-convert sa pera sa pagtatapos ng taon o bago umalis ng kompanya ang empleyado. 

Maternity Leave 

Sa ilalim ng Republic Act No. 11210 o ang “105-Day Expanded Maternity Leave Law,” ipinagkakaloob sa mga babaeng empleyado ang 105 araw na paid leave sa pagkapanganak o pangyayaring malaglag ang sanggol sa kaniyang sinapupunan. 

Kung solo parent naman, nakasaad sa batas na may karagdagang 15 araw na paid leave ang empleyado, at opsyon na 30 araw na unpaid leave naman. 

Paternity Leave

Sa ilalim ng “Paternity Leave Act of 1996” o ang “Republic Act No. 8187,” ang mga kasal na lalaking empleyado ay mayroong pitong araw na paid leave sa unang apat na beses na panganganak ng lehitimong asawa. 

Solo Parent Leave

Sa ilalim ng “Expanded Solo Parents Welfare Act” o “Republic Act No. 11861,” ang leave na ito ay ibinibigay upang mabigyang pagkakataon ang solo parents na magampanan ang kaniyang mga tungkulin at responsibilidad sa anak. 

Ito ay binubuo ng pitong araw na paid leaves at hindi convertible sa pera o kaya’y ma-carry over sa susunod na taon.  

Domestic violence leave (VAWC Leave)

Ang babaeng empleyado na naging biktima ng domestic violence, pisikal man ito, sexual, o psychological, ay binibigyan ng 10 araw na paid leave upang paglaanan ng panahon ang kaniyang medikal at legal na pangangailangan. 

Ang leave benefit na ito ay partikular na nakasaad sa “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004” o ang “Republic Act No. 9262. 

Special Leave for Women

Sa ilalim ng “Magna Carta for Women” o “Republic Act No. 9710,” ang leave benefit na ito ay ibinibigay sa mga babaeng empleyado hanggang dalawang buwan upang magpagaling sa anumang operasyon bunsod ng gynecological disorders. 

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga benepisyong dapat natatanggap ng mga babaeng manggagawa

Ang mga sumusunod namang leave benefits ay hindi partikular na mandato sa batas ngunit ibinibigay ng ilang kompanya sa kanilang mga empleyado: 

Vacation Leave (VL)

Ang VL ay binubuo ng 10 hanggang 15 araw kada taon para sa mga regular na empleyado. 

Kadalasan, ang pag-apruba rito ay depende sa employer at maaaring ma-carry over sa susunod na taon o kaya’y ma-convert sa pera, depende sa polisiya ng kompanya. 

Sick Leave (SL) 

Ang SL ay pinagkakaloob ng maraming kompanya sa kanilang empleyado tuwing nagkakasakit o nagrerecover ito mula sa sakit. 

Kadalasan, binubuo ito ng lima hanggang 15 araw at kinakailangan ng medical certificate. 

Sa ilang kompanya pa, kasama sa coverage ng SL ay ang mental health days o wellness programs para sa bawat empleyado upang matiyak ang maayos nilang kalusugan habang nagtatrabaho.

Bereavement Leave 

Sa ilalim ng leave na ito, ang kompanya ay kadalasang nagbibigay ng tatlo hanggang limang araw na paid leave sa empleyadong namatayan ng kaanak. 

Layon ng leave na ito na mabigyang panahon ang kanilang empleyado na magluksa, pumunta sa funeral services, at mag-asikaso ng iba pang bagay sa kanilang pamilya. 

Depende sa polisiya ng ilang kompanya, may iba pang leave entitlements sa mga empleyado tulad ng birthday leave, study leave, calamity leave, at rehabilitation leave” upang matiyak ang maayos na kalagayan at kondisyon ng kanilang empleyado.