Pinag-aaralan ng Department of Education ang pagbibigay ng isang-taong insurance sa lahat ng mag-aaral, kasunod ng pagkasawi ng limang Grade 11 students sa isang banggaan sa Negros Oriental nitong Biyernes.
Ito ang kinumpirma ni Education Secretary Leonor Briones, nang magpaabot siya ng pakikiramay sa pamilya at dumalaw sa burol ng limang estudyante ng Basay National High School na nasawi sa banggaan sa Zamboanguita, Negros Oriental nitong Biyernes.
“Each time groups of children go out of the periphery of our campus, participate in competitions, and travel to other places, they have to be covered by insurance so that if there is a need for benefits and for assistance, these can be available,” saad ni Briones habang ipinapaliwanag ang pangangailangan para sa probisyon ng insurance sa mga batang mag-aaral, na may kabuuang 27 milyon.
Nanawagan din ang kalihim sa mga regulatory agencies na maging mahigpit sa pagbabantay at pagsasagawa ng assessment sa mga sasakyan, lalo na ang gaya ng sinakyan ng mga biktima.
Dapat na rin, aniya, itong talakayin sa susunod na budget proposal lalo’t “provision of financial assistance for these types of incidents is not included in the DepEd budget.”
Hiningi na rin ni Briones ang “greater vigilance” sa pagbabantay sa mga bata, kasabay ng panawagan sa mga civil society organizations, mga lokal na pamahalaan, pamahalaan, at komunidad na maging “more vigilant in protecting children because they are the first victims of accidents and abuse.”
Samantala, personal na nakiramay si Briones sa pamilya ng mga estudyanteng nasawi habang pauwi mula sa isang Mathematics competition sa Cebu, kung saan nagwagi ang mga ito sa elimination round.
Binisita rin niya ang iba pang biktima na nagapagaling sa Silliman University Medical Center at Negros Oriental Provincial Hospital.
Kasabay nito, umapela ng donasyong pinansiyal si Briones, hindi lang para sa pamilya ng mga nasawi, kundi para sa gastusin sa ospital ng anim pang nagpapagamot pa rin sa ngayon.
Kabilang sa mga ginagamot pa ang limang estudyante ng Grade 11 at kanilang coach—at tatlo sa mga ito ang nasa intensive care unit.
-Mary Ann Santiago at Merlina Hernando-Malipot