Inanunsyo sa publiko ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., pinaplano umano nilang pagtatayo ng limang water dam sa Nueva Ecija.
Sa naging pahayag ng Pangulo sa panayam sa kaniya ng media noong Lunes, Agosto 24, 2026, sinabi niyang makakatulong daw ang limang dam na itatayo sa Nueva Ecija upang makontrol ang tubig na nanggagaling sa Sierra Madre.
“Lahat ito ay aming napag-usapan at napagplanuhan. Immediately, there is a project for Sabo River Dams. lima kaagad sa Nueva Ecija dahil ito ‘yong kumukuha ng tubig sa taas. Sierra Madre na ‘yong pinagkukuhaan ng tubig,” pagsisimula niya.
Anang Pangulo, makakatulong umano ang mga itatayong dam upang mapigilan ang mabilis na pagbaba ng tubig mula sa Sierra Madre, siltation, at makapag-ipon din daw ng tubig upang magamit ng publiko at para sa agrikultura.
“‘Yan ay makakatulong para bawasan ang bilis ng pagbaba ng tubig, mabawasan ang siltation, at makakapag-ipon pa tayo para gamitin for household use, industrial, for irrigation sa agrikultura,” aniya.
Samantala, ibinahagi din ni PBBM plano rin umano nilang magtayo ng 100 kilometrong dike na kalsada hanggang Pilar, Bataan, upang maharang daw ang tubig na manggagaling sa Manila Bay.
Saad ng Pangulo, “That’s about a 100 kilometer kaya medyo matatagalan pero pinag-aaralan na natin para at the least meron tayong plano at meron na tayong masisimulan doon sa napakahabang gagawin na dike na kalsada. Para maharang ang tubig na nanggagaling sa dagat sa Manila Bay.”
Diin ng Pangulo, “satisfied” o nasisiyahan na raw na natutugunan nila ang mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan dahil hindi naman daw nauubusan ng gamit at tulong ang pamahalaan.
“That is a situation we have now. I am satisfied that ‘yong immediate needs ng tao, ‘yong kanilang pagkain, ‘yong kanilang shelter, ‘yong kanilang healthcare na dala ng pamahalaan, ng pamahalaan, ng national government ay nandiyan lahat,” ‘ika niya.
“Hindi naman tayo nauubusan ng gamit, hindi naman tayo nauubusan ng tulong, patuloy ‘yan hangga’t nangangailangan ang tao ay binibigyan natin silang lahat ng kanilang pangangailangan,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM: Pumping stations, 'di sapat para sugpuin baha
KAUGNAY NA BALITA: Pag-install ng 13 additional pumping stations, ikakasa sa Metro Manila—PBBM