SI Joyce Ching ang bagong engaged na celebrity, dahil kamakailan lang ay tinugon niya ang wedding proposal ng non-showbiz BF niyang si Kevin Alimon.
In fact, suot ni Joyce ang engagement ring sa presscon ng bagong Afternoon Prime ng GMA-7 na Dragon Lady.Kaya pala, nang tanungin ng mga reporter kung my plano na siyang pakasal, hindi agad nakasagot si Joyce. Later on, sinabi niyang may plano, pero hindi siya nagbigay ng detalye. Pinangalanan din niya ang fiancé na ayon sa kanya ay isang video director.
Ang daming nag-congratulate kay Joyce sa ipinost niyang litrato nila ni Kevin, pati na mga kaibigan niya sa ABS-CBN. Heart emojis ang comment ni Marian Rivera, habang nagkomento rin sina Barbie Forteza, Bea Binene, at Derrick Monasterio, mga ka-batch ni Joyce sa Tweenhearts.
May comment din si Direk Gina Alajar: “Ano ba!!! Tweens lang ikaw dati! Now engaged!!! What can I say but I am happy for you, Joyce! He is a blessed man to have you... Congratulations, my dear!”
Si Direk Gina ang idol ni Joyce, at isa sa mga rason kung bakit film ang kinuhang course ni Joyce sa MINT College. Bilang bagong graduate, gusto muna ni Joyce na short film ang unahin niyang idirehe at habang wala pang directorial project, artista muna si Joyce.
Kasama siya sa cast ng Dragon Lady, na magpa-pilot sa Monday, March 4, pagkatapos ng Eat...Bulaga. Kontrabida at mang-aapi kay Janine Gutierrez ang role ni Joyce at excited na siya.
“First full blown contravida role ko ito as Astrid Chua, na anak ni Maricar de Mesa. Sanay naman ako sa bad girl role, pero iba ang pagkakontrabida ko rito, masama talaga at siguradong magagalit sa akin ang viewers,” kuwento ni Joyce.
“Challenge rin ang role ko rito dahil ahead sa akin sa age sina Janine at Tom Rodriguez at mas malaki at matangkad sila sa akin, kaya may kasamang physical challenge sa akin ang role ni Astrid,” banggit pa ni Joyce.
Si Paul Sta. Ana ang direktor ng Dragon Lady, na nangakong iba ang mapapanood sa show na tungkol sa dragon lady na bumubuga ng apoy.
-Nitz Miralles