NILAGDAAN ng Pilipinas at Japan nitong Huwebes ang isang kasunduan na P1.8 bilyong ayuda na binubuo ng dalawang grants para sa karagdagang suporta sa Mindanao at sa probisyon ng mga train simulators sa bansa.
Pinangunahan ni Ambassador Koji Haneda at Ambassador Jose Laurel V ang seremonyal na paglagda, sa idinaos na 7th Japan-Philippines High Level Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation sa Osaka, Japan.
Sa kabuang JPY3.56 billion na tulong, JPY2.36 billion o P1.18 bilyon ang ilalaan para sa pagsasaayos ng mga socioeconomic infrastructures at para sa supply ng tubig sa rehiyon ng Bangsamoro.
Habang ang natitirang halaga ay para sa pagbili ng simulator equipment ng Philippine Railway Institute’s railway simulator equipment.
Bukod sa pangako nitong maisulong ang pagtatayo ng mga dekalidad na sistema ng daang riles sa Mega Manila, suportado rin ng Tokyo ang pagtatatag ng isang railway training school sa bansa sa pamamagitan ng pautang at tulong teknikal ng bansa.
Saksi naman sa paglagda sa kasunduan sina Dr. Hiroto Izumi, Special Adviser to the Prime Minister, at Finance Secretary Carlos Dominguez III.
Dumalo rin sa seremonya sina Public Works Secretary Mark Villar, Transportation Secretary Arthur Tugade, Budget Secretary Benjamin Diokno, Energy Secretary Alfonso Cusi, Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, Housing Secretary Eduardo del Rosario, at Bases Conversion and Development Authority president Vivencio Dizon.
Kamakailan, nilagdaan din ng Japan ang isang Exchange of Notes para sa P11 bilyon pautang, na susuporta sa pagpapaunlad ng mga daan at kalsada sa Mindanao.
Ayon sa embahada ng Japan sa Maynila, inaasahan ding malapit nang lagdaan ang isang Exchange of Notes, na nagkakahalaga ng P250 milyon, para sa agricultural training at higit na pagsasaayos ng supply ng tubig sa bahagi ng Bangsamoro.
PNA