KINUMPLETO ng Centro Escolar University ang 11-game sweep matapos ang 62-61 pag-ungos sa Philippine Merchant Marine School para makamit ang 26th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) basketball title nitong Miyerkoles sa Paco Arena.
Nakipagtulungan sina Mythical Five members Tyron Chan at Rich Guinitaran sa beteranong si Christian Uri upang maangkin ang tropeo.
Nagawang mapigil ng Scorpions ang Mariners sa kanilang opensa sa unang anim na minuto ng fourth period upang maka-agwat, 57-48.
Ngunit, hindi bumigay ang Mariners at nagawa pang makadikit 62-61, matapos ang dalawang dikit na triples mula kina Kurt Sunga at Ralph Brionrs may 1:29 pang oras na nalalabi.
Muntik pang masilat ang Scorpions kung di nasagip ng kanilang depensa matapos makuha ni Guinitaran ang isang krusyal na defensive rebound matapos sumablay ni Briones.
Gayunman, nginitian sila ng suwerte sa bandang huli matapos nang magtamo ng 24-second shot clock violation ang karibal.
Gayundin, sablay ang ibinatong buzzer beater ng nagwaging Most Valuable Player na si Bryan Hilario.
“I’m very happy for the boys even if we did not play well in the end,” wika ni CEU head coach Derrick Pumaren. “I told them that PMMS will fight and we have no time to get tired because of our daily games since Sunday.”
Pinangunahan ni Chan ang panalo ng Scorpions sa itinala nitong 16 puntos at 8 rebounds kasunod si Uri na may 14 puntos at 4 assists at si Guinitaran na may 12 puntos, 8 rebounds at 3 assists.
Namuno naman si Briones para sa Mariners sa itinala nitong 22 puntos at 7 rebounds.
Nagposte naman si Sunga ng triple-double na 14 puntos, 12 rebounds, at 11 assists ngunit hindi ito sapat upang maipanalo ang Mariners.
Dahil sa sweep, pinantayan ng CEU ang naitalang sweep ng Saint Clare College of Caloocan nang magwagi ito ng kanilang 21st NCRAA crown noong 2014.
-Marivic Awitan