Itinalaga sa buong mundo ang ika-17 ng Hunyo bilang World Crocodile Day.
Ito ay upang magbigay ng kamalayan sa nalalagas na bilang ng mga buwaya at alligator sa daigdig, na mahalagang bahagi ng ecosystems. Itinuturing sila bilang “critical guardians” ng freshwater ecosystems.
Ayon sa IUCN Red List of Threatened Species, 7 sa 25 species ng mga buwaya sa buong mundo ay itinuturing na "critically endangered."
Sa Pilipinas, may dalawang uri ng buwaya. Una rito ang taal na Crocodylus mindorensis o mas kilala bilang Philippine crocodile. Ikalawa, ang Crocodylus porosus o saltwater crocodile na mayroon din sa India, Indonesia, at Australia.
Bagama't hindi critically endangered sa mga bansang binanggit ang saltwater crocodile, nanganganib itong maubos sa Pilipinas.
Noong Setyembre 2011, nahuli sa Bunawan, Agusan del Sur si Lolong, ang pinakamalaking saltwater crocodile sa buong mundo. May haba siyang 6.17 metro at 1,075 kilo naman ang bigat.
Dahil dito, naungusan ni Lolong si Cassius, isang Australian saltwater crocodile, na may hawak noon ang titulong pinakamalaking buwayang nakakulong sa buong mundo sa Guinness World Records.
Nahuli si Cassius sa Northern Territory ng Australia noong 1980 at simula noon ay namuhay na sa santuwaryong matatagpuan sa Queensland.
Tinatayang 1,300 ang bigat ni Cassius habang 5.5 metro naman ang kaniyang haba.
Ngunit nang pumanaw si Lolong noong 2013 dahil sa pneumonia at cardiac arrest, dalawang taon matapos siyang mahuli, ibinalik ng Guinness World Records ang naturang titulo kay Cassius. Tinatayang lampas 100 taon na ang edad niya bago tuluyang sumakabilang-buhay noong 2024.
Sa kasalukuyan, nasa National Museum of Natural History na ang mga buto at pinreserbang balat ni Lolong.