Nagliyab ang isang yateng may karga ng relief goods sa karagatan ng Barangay Small Margus, Glan, Sarangani Province noong umaga ng Biyernes, Hunyo 12.
Batay sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), ang relief goods na karga sa yate ay para sa mga nabiktima ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Glan noong Lunes, Hunyo 8.
Sa eksklusibong panayam naman ng Balita sa isa sa volunteer responders na si Joshua Ginal Delos Santos, ibinahagi niyang lulan ng yate ang ilang miyembro ng religious group na Seventh Day Adventist mula Davao.
Aniya pa, ang yate ay may dalang relief goods tulad ng food packs at tubig.
Habang kasalukuyan pang iniimbestigahan ng PCG ang dulot ng sunog, binanggit ni Delos Santos na napag-alaman nilang posibleng dahilan nito ay ang gasul at krudo sa yate.
“Pagdating namin do’n, may nagsalita na yung gasul sumingaw tapos may krudo ring kasama,” saad ni Delos Santos.
Saad ni Delos Santos, tinatayang 42 pasahero ang sakay ng yate, ngunit 30% na lamang ng relief goods ang nadala sa Sarangani.
Bukod sa mga pasahero, mayroon pa raw nadamay na mag-amang lulan ng isang bangka, na sumubok rumesponde sa mga pasahero.
Ngunit binanggit naman ni Delos Santos at ng PCG sa inilabas nilang pahayag na walang nasawi sa mga nailigtas mula sa nasunog na yate.