Kinilala bilang “Iron Lady of Asia” dahil sa kaniyang matapang na pagtuligsa sa korapsyon at iba pang katiwalian sa pamahalaan, si dating senadora Miriam Defensor-Santiago ay naging inspirasyon para sa marami dahil sa kaniyang malawak at malalim na kaalaman sa pamumuno sa bayan bilang mambabatas.
Bilang paggunita sa ika-81 anibersaryo ng kaniyang kapanganakan, narito ang ilan sa maraming legasiya na iniwan ni Santiago:
Pag-aaral
Naitalang noong mag-aaral pa lamang sa University of the Philippines (UP) ang dating senadora, nakakuha siya ng “near-perfect average grade” na 1.1, kung saan, ang itinuturing na perpektong grado rito ay 1.0.
Dahil dito, ang kaniyang 4-year course rito ay natapos niya sa loob lamang ng 3 ½ na mga taon.
Sa UP, nakapagtapos ng Bachelor of Arts at Bachelor of Laws si Santiago bilang cum laude.
Ipinagpatuloy niya ang kaniyang Master of Laws at Doctor of Juridical Science sa University of Michigan, na isa sa “Top 3 Law Schools” sa United States.
Bukod sa pag-aaral ng abogasya, naitala na si Santiago ay nakapagtapos din ng Master of Arts in Religious Studies sa Maryhill School of Theology.
Fighting Judge
Ayon sa lathala ng Ramon Magsaysay Award Foundation, si Santiago ang kauna-unahang naging “youngest presiding judge” sa Quezon City Regional Trial Court, kung saan, tinatayang 50 kaso kada buwan ang kaniyang hinahawakan.
Sa pagiging husgado, mariing tinanggihan ni Santiago ang anumang pagpapaliban at panunuhol.
Kaya dito ay nakilala rin ang panuntunang, “no bribes or extortion” sa kaniyang korte.
International Criminal Court Judge
Taong 1988, si Santiago ang itinuring na kauna-unahang Pinoy at Asyanong nailuklok bilang husgado sa International Criminal Court sa The Hague, The Netherlands.
Dito ay napatunayan ni Santiago ang lawak ng kaniyang legal na kaalaman at kakayahang pagtibayin ang hustisya sa labas din ng bansa.
United Nations Legal Officer
Naitalang nanilbihan bilang legal officer ng United Nations si Santiago sa Geneva, Switzerland.
Philippine Embassy Consultant
Nanilbihan din si Santiago bilang consultant sa Philippine Embassy sa Washington, DC.
UP Law Professor
Bilang law professor sa UP sa loob ng 10 taon, si Santiago ay nakapagsulat ng tinatayang 30 libro tungkol sa batas at social sciences.
Senador
Bilang senador, ang mga kilalang ipinanukalang probisyon ni Santiago ay ang anti-dynasty bill, anti-epal bill, freedom of information bill, at ang magna carta for Philippine internet freedom.
Nakilala rin dito si Santiago dahil sa kaniyang katapangan na harapin at pangalanan ang ilang criminal suspects sa kanilang mga imbestigasyon.
Mga parangal
Sa kaniyang paninilbihan pa sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, kinilala ang kahusayan ni Santiago sa pamamagitan ng mga parangal tulad ng The Outstanding Young Men (TOYM), The Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS), at Most Outstanding Alumna in Law mula sa UP.
KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Ang tinaguriang 'Iron Lady of Asia' na si Miriam Defensor-Santiago