Ang dugo o “blood” ay isang napakahalagang parte ng katawan—hindi lamang sa mga tao, maging sa mga hayop din.
Sa usaping siyensya, base sa pakahulugan ng MedlinePlus, ang dugo ay tinatawag ding “river of life,” sapagkat tila isa itong ilog na patuloy na dumadaloy sa loob ng katawan.
Hindi lamang ito umiikot sa buong katawan, bagkus nagdadala rin ito ng mahahalagang elemento sa iba’t ibang bahagi ng katawan gaya na lamang ng oxygen, nutrients, at iba pa.
Kung kaya’t maituturing na isang dagok sa isang indibidwal kapag dugo na niya ang napuruhan.
Blood Donation
Isa sa mga sagot na maaaring isagawa kung sakaling ang isang tao ay naaksidente, may sakit, o kinakailangan ng karagdagang dugo, ay ang blood donation.
Ayon sa Cleveland Clinic, isa itong epektibo at mabilis na paraan upang tulungan ang isang indibidwal sa medikal na pangangailangan ng tao—na may kinalaman sa dugo.
“Blood donation is a procedure in which you give blood. Blood donation is typically a quick way to help people in need,” saad ng Cleveland Clinic.
Bakit kailangang mag-donate ng dugo?
Batay sa nabanggit na klinika, tanging katawan lamang ng tao ang may kakayahang gumawa ng dugo.
Sa madaling salita, walang “artificial source” ang dugo, kung kaya’t mahalaga ang “blood donation” sa mga tao lalo kung ang kondisyon ng isang indibidwal ay kinakailangan nito.
Nakakalinis ng dugo ang blood donation
May usapin at ideya ang nakararami patungkol sa umano’y kakayahan ng blood donation na linisin ang dugo ng isang tao, partikular na ang donor.
Totoo nga ba ito?
Ayon sa impormasyong inilatag ng Healthline, may mga benepisyong dulot ang pagdodonate ng dugo.
Narito ang ilang benepisyo ng blood donation ayon sa Healthline:
1. Nakababawas ng stress
2. Paghusay ng emotional well-being
3. Paglakas ng physical health
4. Pagkaiwas sa negatibong pakiramdam
Batay naman sa medical website na Health, narito ang ilan pa sa benepisyo ng pagdodonate ng dugo:
1. Mini check-up
2. Paghusay ng heart at vascular system
3. Pagmonitor sa iron level ng katawan
4. Posibleng “detoxifying effect” sa katawan
Base sa mga medikal na impormasyon at source, makikita na ang pagdodonate ng dugo ay hindi lamang makatutulong sa taong binahagian ng dugo, bagkus may tulong din ito para sa mga magigiting na donor.
Maliban sa medikal na suporta, ang pagbabahagi ng dugo ay sumasaklaw din sa patuloy na pag-agos ng pag-asa, at pagdaloy ng bayanihan sa pagitan ng bawat indibidwal.