July 23, 2026

Home BALITA National

Sen. Kiko, kakasuhan mga nandawit sa kaniya sa maleta: 'Ginag*go ninyo ang taumbayan!'

Sen. Kiko, kakasuhan mga nandawit sa kaniya sa maleta: 'Ginag*go ninyo ang taumbayan!'
Photo courtesy: MB File Photo/Screenshot from Mike Defensor (FB)

Hindi na nakapagtimpi pa si Sen. Kiko Pangilinan matapos idawit ang pangalan niya sa umano'y mga mambabatas na napagdalhan ng mga malet-maletang pera, ng mga dating bagmen ni dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, sa isinagawang press conference sa Quezon City nitong Martes, Hunyo 16, sa pangunguna ni dating Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor.

Ipinakita kasi ang umano'y larawan ni Pangilinan bilang ebidensya, kasama pa ang misis na si Megastar Sharon Cuneta.

Sa inilabas na pahayag na pinamagatang "Statement on Suitcases," sinabi ni Pangilinan na pawang alegasyon lamang at walang matibay na basehan ang mga ibinabatong akusasyon laban sa kaniya.

"Puro pasaring. Puro alegasyon. Puro palabas," saad ng senador.

Ayon kay Pangilinan, naniniwala siyang layunin lamang ng mga paratang na sirain ang kaniyang kredibilidad kasunod ng mga ulat tungkol sa kaniyang pag-upo bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Subcommittee na magsasagawa ng imbestigasyon sa umano'y flood-control scam.

National

Atty. Taran ng KWF, panatag sa epekto ng AI data centers sa mga katutubong wika

"Gusto lang mantsahan ang naiulat na pag-upo ko bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Subcommittee na mag-iimbestiga sa flood-control scam," aniya.

Iginiit din ng senador na wala umanong kahit katiting na ebidensya na mag-uugnay sa kaniya sa mga alegasyong may kinalaman sa mga maleta at sa umano'y nawawalang pondo ng gobyerno.

"Wala ni katiting na basehan ang mga tangkang pagdungis sa aking pagkatao ng mga nagpa-presscon tungkol sa mga maletang kaugnay sa bilyon-bilyong pisong ninakaw sa kaban ng bayan," dagdag niya.

Lalong umigting ang reaksiyon ni Pangilinan matapos umanong madamay maging ang kanyang pamilya sa isyu.

Dahil dito, nagbabala siyang hindi na lamang siya sasagot sa pamamagitan ng mga pahayag sa publiko kundi maghahain na ng kaukulang reklamo sa korte laban sa mga responsable.

"At dahil dinamay niyo pa ang pamilya ko, makakatikim kayo ng hindi pasaring, alegasyon, o palabas na kaso sa korte. Pananagutan ninyo ang paninirang ginagawa niyo," diin niya.

Maki-Balita: Sen. Kiko, idinawit sa maleta issue: 'Pananagutan n'yo ang paninirang ginagawa n'yo!'

Sa sumunod na post sa X, dito na nanggalaiti si Pangilinan at tiniyak na kakasuhan niya ang mga nabanggit na dating bagmen ng solon.

"Anong basura na ebidensya yan na may picture? Na isasama ang buong pamilya para tumanggap ng suhol tapos mapapapicture pa sa mga tao pagkatapos? Ginagago ninyo ang taumbayan," saad sa X post ni Pangilinan.

"Walang kwenta. Kagaguhan. Kasinungalingan. Humanda kayo sa mga kasong isasampa laban sa inyo," aniya pa.

Photo courtesy: Screenshot from Kiko Pangilinan (X)