MABIGAT ang susuunging laban ng Philippine Under 19 men’s basketball team sa darating na 2019 Fiba Under-19 Basketball World Cup na idaraos sa Heraklion, Greece sa Hunyo.
Sa katatapos na draw na isinagawa sa Heraklion, ang kapitolyo ng Greek Island na Crete, ang Team Philippines ay napabilang sa Group C kasama ng host Greece, Argentina, at Russia para sa 16-team tournament na gaganapin sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 7.
Nakatakdang pamunuan ng kahihirang pa lamang na UAAP Season 81 Juniors MVP na si Kai Sotto ang kampanya ng bansa sa naturang torneo.
Makakasama ng 17-anyos na sentro ng Ateneo de Manila Blue Eaglets sina Fil-British slotman AJ Edu, Rome-based pointguard Dalph Panopio, at National University forward Dave Ildefonso.
Nag-qualify ang Batang Gilas sa nasabing global event makaraang tumapos na pang-apat noong nakalipas na 2018 Fiba Under-18 Asian Championship na idinaos sa Thailand.
Ngunit, hanggang sa kasalukuyan, wala pang kasiguruhan ang kahihinatnan ng koponan sa kawalan ng head coach matapos alisin ang dati nilang coach na si Josh Reyes ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Marami ang nagmungkahi na ibigay na lamang kay Ateneo head coach at dating Gilas Pilipinas mentor Tab Baldwin ang national youth team program.Ngunit wala pang balita kung ito ay matutuloy.
Samantala, base sa draw, nagkasama-sama sa Group A ang Senegal, USA, New Zealand at Lithuania.
Napunta naman sa Group B ang Mali, Australia, Canada at Latvia.
Samantala, natipon naman sa Group D ang mga koponan ng China, Puerto Rico, France at Serbia.
-Marivic Awitan