Kritikal ang lagay ng isang limang taong gulang na lalaki habang nasa ospital pa ang dalawa niyang nakatatandang kapatid matapos silang malason sa kinain nilang shellfish sa San Fernando, Basey, Samar.
Red tide ang sinisisi sa pagkakaospital nina John Michael Macatalad, 5; Michelle Macatalad, 8; at Joshua Macatalad, 9, pawang ng nabanggit na bayan.
Isinugod ang magkakapatid sa Eastern Visayas Regional Medical Center dahil sa paralytic shellfish poisoning (PSP), ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Director Juan Albaladejo.
Sinabi ni Albaladejo na nakaranas ang magkakapatid ng matinding pananakit ng ulo, pagsusuka, at pamamanhid ng katawan ilang minuto matapos silang kumain ng buo, isang uri ng shellfish.
Nilinaw naman ni Albaladejo na naglabas ng red tide warning ang BFAR sa mga bayan ng Basey at Marabut sa Samar, na sumasaklaw sa San Pedro Bay.
Kinumpirma niyang positibo pa rin sa red tide ang Matarinao Bay sa Eastern Samar at Cancabato Bay sa Tacloban City, Leyte.
-Marie Tonette Marticio