PANGUNGUNAHAN ni Karla Estrada ang pelikulang Familia Blondina sa paghahatid ng magagandang asal sa mga anak at pati sa mga magulang, hindi lang dito sa ‘Pinas kundi pati sa worldwide market.

Babansagang bagong Comedy Momshie si Karla sa Familia Blondina, sa direksiyon ni Jerry Lopez Sineneng.

Umiikot ang Familia Blondina sa kuwento ni Cindy (Karla), na iniwan ang kanyang pamilya at nagpunta sa Amerika upang pakasalan ang isang Amerikanong sundalo. Meron silang tatlong anak na pawang blonde.

Nang pumanaw ang asawang Amerikano, iniwan sila nitong baon sa utang, at kailangang bumalik ni Cindy sa Pilipinas upang itaguyod ang mga anak.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Bagamat sunud-sunod ang kamalasan sa paghahanap ng trabaho, makikilala ni Cindy si Tonyboy (Jobert Austria), isang biyudo at may dalawang anak na blonde din.

Magiging isang pamilya sila, at ipauunawa nila sa mga anak ang mga kaugalian at tamang asal ng mga Pilipino.

Sa panulat ni Mel Mendoza-del Rosario, na lumikha ng Tanging Ina movie series, ang Familia Blondina ay magdadala ng saya at katatawanan sa pamilyang Pilipino.

Kasama ng tinaguriang Queen Mother ni Daniel Padilla sa pelikula sina Marco Galo, Kira Balinger, Xia Vigor, Chantal Videla, Heaven Peralejo, at Awra Briguela.

Mula sa produksiyon ng Arctic Sky, at inihahatid ng Cinescreen, ipalalabas ang Familia Blondina sa mga sinehan simula sa February 27.

So, dapat lang na panoorin nating lahat ang Familia Blondina, para boom ang pamilya ng bawat Pilipino.

-MERCY LEJARDE