May 21, 2026

Home BALITA Probinsya

Tindera ng prutas, inararo ng pick-up truck; patay!

Tindera ng prutas, inararo ng pick-up truck; patay!

Nasawi ang isang 59-anyos na tindera ng prutas matapos salpukin ng isang pick-up truck ang dalawang fruit stand sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Crossing Rubber, Tupi, South Cotabato noong Martes, Mayo 19, 2026.

Sugatan din sa insidente ang isang 11-anyos na batang babae na nadamay habang nasa lugar nang mangyari ang aksidente.

Batay sa imbestigasyon ng Tupi Municipal Police Station, dakong 1:00 ng hapon nang mawalan umano ng kontrol sa manibela ang isang puting pickup truck at diretsong bumangga sa mga tindahan ng prutas sa Purok 3.

Sa lakas ng pagkakabangga, nagkalat sa kalsada ang mga prutas habang naipit umano ng sasakyan ang biktimang tindera.

Agad namang rumesponde ang mga residente upang tulungan ang mga biktima. Isinugod pa sa ospital ang tindera ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa matinding pinsalang tinamo sa katawan.

Probinsya

‘Mula noong nag-graduate ako, nagamit ko talaga yung natutunan ko—’ PBBM sa mensahe sa ‘presidential scholars’

Nasugatan rin ang batang babae na nadamay sa insidente at agad ding binigyan ng medikal na atensyon.

Nadamay din sa aksidente ang isang motorsiklong nakaparada malapit sa fruit stand matapos itong mabangga ng pickup truck.

Ayon sa pulisya, bumiyahe ang sasakyan mula General Santos City at patungo sana sa Koronadal City bago naganap ang aksidente.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na nakatulog umano ang 63-anyos na driver na residente ng Cotabato City habang nagmamaneho dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa sasakyan.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries laban sa driver na kasalukuyan pang iniimbestigahan.

Patuloy ring kinukuhanan ng pahayag ng pulisya ang pamilya ng mga biktima upang mabuo ang kabuuang detalye ng insidente.