May 20, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Ces, na-'Stress Drilon' kay Atty. Jimmy Bondoc?

Ces, na-'Stress Drilon' kay Atty. Jimmy Bondoc?
Photo courtesy: Screenshots from One News PH (FB)

Usap-usapan sa umpukan ng social media ang naging panayam ni TV5 at One News PH news anchor Ces Oreña-Drilon sa tumatayong legal counsel ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc, patungkol sa pagse-serve ng warrant of arrest sa kaniyang kliyente.

Matatandaang noong Lunes, Mayo 11, biglang sumulpot at pumasok sa plenary session si Dela Rosa matapos ang anim na buwang pag-absent dahil daw sa pag-iwas sa lumabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.

Miyerkules, Mayo 13, nagkaroon ng kaguluhan sa Senado at nakaalis ng premises nito si Dela Rosa, na batay sa mga kumakalat na CCTV footages at ulat, ay tinulungan umano ng kaalyadong si Sen. Robin Padilla.

Sa programa ni Ces sa isang network noong Martes, Mayo 19, naging panauhin nila si Atty. Jimmy na siyang tumatayong abogado ni Sen. Bato. Dito ay nauntag ng mamamahayag ang abogado kung alam ba ng legal team ng senador kung nasaan ang kinaroroonan ng kaniyang kliyente, at kung bakit iniiwasan ng senador ang pagdakip sa kaniya.

Iginiit naman ng abogado ni Sen. Bato na nararapat lamang na sa Pilipinas kasuhan ang kaniyang kliyente kung may nilabag man daw ito sa batas, dahil narito raw sa Pilipinas ang mga testigo.

Tsika at Intriga

Sam Verzosa, Faith da Silva iniintriga dahil sa concert ni Jessica Sanchez

Maya-maya, sumingit si Ces at tinanong si Atty. Jimmy kung out of fairness, sino raw ba ang gusto at dapat tanungin nila kung bakit hindi makasuhan dito sa Pilipinas si Sen. Bato.

"Ang gobyerno po, this is the people of the Philippines," saad naman ni Atty. Jimmy.

Iginiit naman ni Ces na ayon kay Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla, hindi raw kayang ihain ng mga biktima ang kaso sa Pilipinas kaya ipinasa ito sa ICC.

Samantala, natawa naman si Ces nang magbitiw ng pahayag ang abogado tungkol sa na-receive daw nilang subpoena.

"Bakit ako po ang tatanungin," natatawang saad ni Ces.

"This is their own statement. And precisely why is there an ICC, I don't why you are framing it as a demolition of Philippine sovereignty," saad pa ni Ces.

Ipinaliwanag naman ni Atty. Jimmy na hindi na bahagi ng Rome Statute ang Pilipinas.

Iginiit naman ni Ces na sinubukan daw na isilbi ang warrant of arrest kay Sen. Bato subalit tinakbuhan raw ito ng senador na naging dahilan pa ng pagkadapa nito sa hagdanan ng fire exit sa Senado.

Giit naman ni Atty. Jimmy, hindi raw sila binigyan ng pormal na kopya ng ICC warrant of arrest.

Sumunod naman, tinanong ni Ces si Atty. Jimmy kung bakit umalis si Sen. Bato sa protective custody ng Senado noong Mayo 13.

"Yun po yung issue, bakit hindi po niya harapin?" tanong ni Ces. "Yun po yung most important question. He showed up to vote, to unseat to vote... to cast his vote for Sen. Alan Peter Cayetano as president who was behind our withdrawal from the Rome Statute, he was foreign secretary then, correct... and then to go missing after. It seems... it's unbecoming to say the least."

Sagot naman ni Atty. Jimmy, "Ah little correction, it was, of course President [Rodrigo] Duterte..."

Pero biglang sumingit si Ces at sinabing maiksing paliwanag na lamang ang nais niya dahil wala na silang oras.

"Well, we are just waiting for the government authorities to serve us a personal service po no'ng warrant," saad ni Atty. Jimmy.

Pero bigla ulit sumingit si Ces, "Missing na nga si Senator paano ise-serve?"

"That is the purpose of the lawyers, Ma'am," sagot ni Atty. Jimmy.

Dito na natawa si Ces, bagay na sinita naman ng abogado-singer.

"We are his legal counsel. Ma'am, I hope you don't ridicule us Ma'am, we're doing our best..." sey ni Atty. Jimmy.

"No, I'm not, you're saying you want to personally serve but he ran away," giit pa ni Ces.

"Abogado po niya kami, puwede naman po sa amin," paliwanag pa ng abogado.

Ipinagdiinan ni Atty. Jimmy na kapag dumaan na raw sa tamang proseso ang pag-aresto kay Sen. Bato sa judicial authority, puwede na raw pag-usapan ang paglabas ni Sen. Bato para harapin ang kaniyang kaso.

REAKSIYON NG NETIZENS

Iba-iba naman ang naging reaksiyon at komento ng netizens sa naging mainit na panayam ni Ces kay Atty. Jimmy.

May mga pumuri sa naging "katapangan" ni Ces na gisahin ang legal counsel ni Sen. Bato, subalit may mga bumatikos din dahil kitang-kita raw ang umano'y pagiging "bias" ng mamamahayag, at palagiang pag-interrupt sa mga sinasabi at paliwanag ng abogado.

May mga nagpayo pa kay Ces na sana raw, sa susunod, hayaan ang interviewee na tapusin ang kaniyang mga sinasabi bago sumingit at igiit ang kaniyang pahayag dito.

Biro pa nga ng mga netizen, tila na-"Stress Drilon" daw si Ces dahil sa nabanggit na panayam.

Samantala, wala pang pahayag sina Ces at Atty. Jimmy tungkol sa nabanggit na mainit na panayam.