Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na titiyakin nilang magiging maayos ang eleksyon sa taong 2028—partikular na ang pampanguluhang halalan.
Kaugnay ito sa posibleng epekto ng nagaganap ngayong impeachment proceedings, ang magiging boto ng bawat kongresista at senador dito, at ang relasyon nito sa resulta ng Halalan 2028.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Mayo 20, inilahad ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na gayong politikal ang mga bagay na nabanggit, ayaw niya na maiipit ang komisyon dito.
“Ang isang impeachment ay laging politikal. Sinabi na ng Korte Suprema sa ilang desisyon niya tungkol sa impeachment that it is a political process,” panimula ni Garcia.
Aniya, "Ibig sabihin, ito ay nililitis bilang isang korte ng Senado at ng prosecution sa House of Representatives.But in the final analysis, it will remain to be a political process.”
“Si Comelec ayaw nating maipit sa isang politikal na proseso. Basta kami kung sino ang maghahain ng mga kandidatura para sa 2028 election, tatanggapin namin ‘yan. Kung may mga ground or grounds to disqualify them, then ire-resolve namin ‘yong mga ground or grounds na ‘yan. Diyan natin ipapakita ang pagiging impartial ni Comelec,” dagdag pa niya.
Pagsisiwalat pa niya, ang halalan sa 2028 ay ang huling eleksyon niya bilang chairman ng komisyon.
“‘Yon po ang aking huling eleksyon ng 2028 national and local election bilang namumuno sa Comelec. At siyempre maliban sa mga iba nating pinatunayan na gusto nating i-establish…Gusto naman nating iwan na ‘yong 2028 ay isang kapani-paniwala, katanggap-tanggap, malinis, maayos na halalan,” anang chairman.
Giit pa niya, Hinding-hindi natin dudungisan ang 2028 election sapagkat habang buhay na lang, napag-uusapan ang halalan na ‘yan.”
Sa parehong kapihan, ipinaliwanag din niya ang ilang panuntunan kaugnay naman sa mga posibleng humalili sa mga opisyal ng pamahalaan—partikular na ang Bise Presidente—kung sakaling ito ay ma-impeach.
KAUGNAY NA ULAT: Kung sakaling mapatalsik: Sinumang senador, kongresista puwede palitan ang VP—Comelec-Balita