Patay ang isang mister nang pagbabarilin ng kanyang misis at dalawang lalaki matapos na mahuling nakikipag-inuman sa umano’y kabit nito sa isang restobar sa Antipolo City, nitong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Teodoro Añez, 44, habang nakatakas naman ang mga suspek, na ang isa ay kinilalang si Wineza Añez, misis ng biktima; at dalawang 'di pa nakikilalang lalaki.
Sa ulat ng Antipolo City Police, naganap ang pamamaril sa loob ng isang bar sa kahabaan ng Marcos Highway, St. Camilos, sa Barangay Inarawan, Antipolo City, dakong 10:20 ng gabi.
Sa ulat, nakikipag-inuman ang biktima sa isang 'di pinangalanang babae sa bar nang dumating si Wineza at dalawang lalaki, lulan sa isang tricycle.
Pumasok ang misis at isa sa mga lalaki sa bar, at pinagbabaril ang biktima.
Tumakas ang mga suspek patungo sa 'di batid na direksiyon.
Naglulunsad ng manhunt operation laban sa mga suspek.
Mary Ann Santiago