Nauwi sa trahedya ang pakikipagtalo ng 18 taong gulang na binata sa kaniyang mga magulang bunsod umano ng iPhone 15 Pro.
Ayon sa mga ulat, bumili ang binata ng iPhone 15 Pro nang hindi umano alam ng kaniyang mga magulang. Matapos ang kaniyang pagbili, humingi na raw siya ng pambayad sa installment ng naturang cellphone, dahilan upang pagtalunan ito ng naturang pamilya sa India.
Matapos magkaroon ng tensyon, nagtungo sa gilid ng bangin ang binata na kaagad namang sinundan ng kaniyang ama’t ina.
Ayon sa salaysay ng mga saksi, nagbanta na raw ang binata na tatalon sa naturang bangin sa kabila ng pakikiusap ng kaniyang mga magulang.
Tinatayang tumagal ng halos tatlong oras ang pakikipagnegosasyon sa binata hanggang sa laipat na siya ng kaniyang ama.
Sa nagkalat na video online, sinibukan pang hilahin ng tatay ang binata mula sa gilid ng bangin subalit kapwa umano silang nawalan ng balanse hanggang sa sabay silang nahulog.
Ilang sandali pa, makikitang tumalon na rin ang ina at asawa ng dalawang biktima. Batay sa kumpirmasyon ng mga awtoridad, dead on the spot ang mag-anak.
Samantala, nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Indian authority hinggil sa naturang trahedya. Kabilang din sa sinisilip ng mga awtoridad kung bakit wala umanong naihanda ang rescuers na maaaring sumalo sa mga biktima, sa loob ng tatlong oras na negosasyon.