SA unang handog ng Dreamscape digital movie na Glorious nina Angel Aquino at Tony Labrusca, marami ang na-in love at nagkaroon ng pag-asa ang kababaihan na edad 40 pataas na posibleng magustuhan sila ng mas bata sa kanila. Kakaiba naman itong Project February 14, na mapapanood na simula bukas, Pebrero 9, 12:00 ng hatinggabi sa iWant.
Disturbing ang kuwento ng Project February 14 series, na sinulat at idinirek ni Jason Paul Laxamana. May kinalaman ito sa pag-iisip ng nagsiganap na sina JC Santos, Jane Oneiza at McCoy De Leon, na may kanya-kanyang problema sa buhay.
Si McCoy ay si Brix, na hindi lumaki sa piling ng mga magulang dahil abala sila sa pagpapayaman kaya naghahanap siya ng pagmamahal, na sa yaya niya nakuha. Biktima siya ng sexual abuse.
Kilalang TV reporter at documentarist si JC bilang si Cody, pero natanggal siya sa trabaho dahil may nagsumbong na peke ang ginagawa niyang docu stories tungkol sa isang babae na gustung-gusto niya.
Lumaking walang magulang si Cody dahil kasama sila nang masunog ang bahay nila at tiyahing matandang dalaga ang nagpalaki sa kanya. gustung-gusto nang magkaanak ng nasabing tiyahin, pero sa kabila nito ay minamaltrato niya si Cody simula pagkabata kaya nagtanim ang huli ng galit sa kaanak.
Kulang naman sa pansin ng mga magulang si Jane as Annie, na nagseselos sa bunsong kapatid na may autism. Ipinagmamaktol niya na mas mahal ng mga magulang niya ang kapatid niya, kaya ang naging libangan niya ay ang dark web, kung saan marami siyang nakikilala hanggang sa naging cyber prostitute siya, pero nagtatago sa pagsusuot ng mascara.
Ang dark web din ang libangan ni Brix hanggang sa nakilala niya si Annie at naging magdyowa sila at nagkakuwentuhan ng mga problema sa buhay, hanggang nagkasundong magkita sa February 14 para wakasan na nila ang kanilang buhay.
Si Annie ang nagplanong gustong magpakamatay at dahil mahal siya ni Brix kaya sasamahan nito ang dalaga.
Magkaibigan naman sina Brix at Cody, at aksidenteng nagkita muli sa isang bar kung saan gusto na ring wakasan ng huli ang kanyang buhay dahil sa problema sa tiyahin at sa kawalan ng trabaho.
At nang malaman ni Cody na magpapakamatay sina Brix at Annie ay naisip niyang i-docu ito para bumango ulit ang pangalan niya sa telebisyon, kung saan siya nagtrabaho.
Habang pinapanood namin ang Project February 14 ay talagang napapailing kami at marami kaming katanungan sa aming sarili na kaya sa iWant ito ipalalabas ay dahil wala itong restrictions ng MTRCB. Kung dumaan ang nasabing pelikula ay malamang na bibigyan ito ng double o triple X rating, na ibig sabihin ay hindi ito puwedeng ipalabas sa sinehan at telebisyon.
Nangangamba kaming mapanood ito ng mga bata o kabataan ngayon na malayang nakakapag-surf sa Internet.
Mahabang talakayan ang naganap sa pagitan nina Jane, McCoy, Direk Jason Paul, at ang Pinoy Big Brother resident psychologist na si Dr. Randy Dellosa, pagkatapos ng preview na ginanap sa Dolphy Theater nitong Miyerkules nang hapon.
Aminado si Doc Randy na disturbed siya habang pinapanood niya ang Project February 14, at binibilang niya ang mga psychological disorders na itinampok sa pelikula, na umabot daw sa 13, at puwedeng pag-aralan sa psychology class.
Naisip din namin na baka isa si Direk Jason Paul sa mga karakter na ginampanan nina JC, Jane, at McCoy para maisip niyang sulatin ang ganitong klaseng pelikula, na na-execute naman niya nang maganda.
Yes, ang ganda ng pagkakadirek ni Jason Paul Laxamana. Nasanay kaming panoorin ang mga romantic comedy niyang pelikula na halos iisa ang tema, tulad ng 100 Tula Para Kay Stella, The Day After Valentine, at To Love Some Buddy.
Though hindi naman ang Project February 14 ang unang obra ni Direk JP na ganito ang tema. Ganito rin ang Babagwa, na hindi namin napanood.
Anyway, sa bandang huli ay inamin ni Direk Jason Paul na dumaan siya sa stage ng buhay niya na-depress siya at naisip din niyang magpakamatay. Mabuti na lang at naka-recover siya.
Samantalang sina Jane at McCoy ay walang ganun kuwento sa buhay nila, at tinanggap lang ang nasabing project para maiba naman sa karaniwang karakter na nagawa na nila sa telebisyon at pelikula. Sa madaling salita, challenging ang roles nila.
Hindi namin ikukuwento ang mga eksena, dahil mas magandang panoorin ito. Pero sana ay gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak habang pinapanood ang Project February 14.
-Reggee Bonoan