Ipinapanawagan ng isang environmental group ang pagde-deklara ng “National Climate Emergency” upang tugunan ang pinsalang dulot ng tagtuyot sa iba’t ibang parte ng bansa.
Batay sa inilabas na pahayag ng environmental group na Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) nitong Linggo, Abril 26, nakapaloob sa panawagang ito ang episyenteng pagmobilisa ng mga rekurso upang matugunan ang epekto ng krisis sa klima.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng komprehensibong climate mitigation at adaptation plans.
Anila pa, nangyayari na ang deklarasyon ng Climate Emergency sa ilang local government units (LGUs) tulad ng Albay, ilang bayan sa Misamis Oriental, La Union, at iba pang lugar.
“Palyado ang implementasyon ng mga polisiya dahil hindi naman lahat ng magsasaka ay naaabot ng ayuda. Bagaman ‘normal’ na iyan at patuloy na pinapanatili ng bulok na sistema, hindi rin dapat ayuda lamang ang tugon na nakabalangkas sa mga tulad ng ‘state of calamity,” saad ni Laica Rayel na Senior Campaigner ng PMCJ.
Kaya kasama rin sa mga nakabalangkas sa panukalang “National Climate Emergency” ay ang phaseout sa fossil fuels na umano’y puno’t dulo ng pagbulusok ng krisis pang-ekonomiya.
“Nakapaloob din sa isinusulong nating National Climate Emergency ang pag-phaseout sa fossil fuels na puno’t dulo ng pagkatali ng bansa sa pabulusok na krisis pang-ekonomiya. Di kailanman naging ‘whole-of-nation’ ang approach ng mga susing ahensya ng gobyerno sa kaliwa’t kanang krisis dahil reactive lamang at puro solusyong band-aid o panapal ang kanilang tugon,” paliwanag din ni Rayel.
Saad pa sa pahayag, mula 2023 hanggang 2025, bagama’t sinikap na ng ilang LGU na palakasin ang kanilang mga plano para sa climate adaptation at mga estratehiya sa disaster risk reduction, naniniwala ang grupo na nananatiling hamon ang teknikal na kapasidad sa pagbuo ng epektibo at maagap na mga hakbang laban sa isyu.
"Di sapat ang business-as-usual na pamamalakad sa tumitinding pagdurusa ng mamamayan. Kukulangin ang pagtugon ng pamahalaan kung hanggang ‘state of calamity’ lang ang hakbangin. Mahalagang kilalanin na ang pagtugon sa drought at iba pang epekto ng krisis sa klima ay hindi lamang teknikal na usapin ng pamamahala ng tubig at agrikultura at panaka-nakang paghahain ng mga programa; kundi dapat gawin itong siyentipiko, batay sa mga kaganapan at magiging kaganapan ng climate change,” saad naman ni Ian Rivera na National Coordinator ng PMCJ.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: 15 probinsyang nakararanas na ng matinding tagtuyot