SA 10th anniversary ng Spring Films sa UP Cine Adarna, kasabay ng filmmaker’s night, ay inihayag ang mga pelikulang ipalalabas ngayong 2019.
Ang mga ipalalabas na pelikula ngayong taon ay ang Kuya Wes, Sunshine Family, Hayop Ka!, I’m Ellenya L, Puppy Love, Walang KaParis, Maboteng Usapan, Chona Istariray is Born, History of Parking Lots, Bouncer, Post Angst, at ang kontrobersyal na Marawi, Children of the Lake.
Ang mga pelikulang Kuya Wes, Sunshine Family, Hayop Ka!, at I’m Ellenya L ay matagal nang tapos at hinahanapan na lang ng playdate.
Base sa teaser na ipinanood sa imbitadong entertainment press/online writers at bloggers ay tumatak ang pelikulang Maboteng Usapan dahil hubo’t hubad ang babae na mala-Oblation.
Natanong namin si Direk Joyce Bernal tungkol sa babaeng hubo’t hubad. Kung sino iyon at siya ba mismo ang gaganap sa pelikulang Maboteng Usapan.
“Taga-UP siya (babaeng nakahubad), UP project ‘yun. UP students magdi-direk, UP artista. Kami lang ang nagpondo. Bale mine-mentor ng mga direktor na sina Irene (Villamor) ang mga taga-UP, ‘yung bawat department,” kuwento ng direktora.
Sa buwan ng Setyembre o Oktubre raw ito ipalalabas sabi ni direk Joyce. At tinanong namin kung kaya bang lumusot ito sa MTRCB na hindi puputulin ang eksenang oblation ng babaeng bida.
“Siyempre dito lang sa UP ipalalabas kasi wala namang censorship. Poster lang ‘yun, hindi pa ‘yun ‘yung artista namin. UP oblation siya kaya. Isa sila sa mga kasama sa pelikula,” katwiran ng direktor.
Ang gist ng Maboteng Usapan ay love story ito ng mga estudyante ng UP.
Kung walang aberya ay ngayong linggo ang punta ni Direk Joyce, kasama si Piolo Pascual, sa Marawi at kukunan ang ilang mahahalagang eksena sa pelikula.
Makakasama ni Direk Joyce sa pagdidirehe sa pelikula si Omar Ali, na matagal nang kilala dahil nag-apprentice na raw sa kanya.
“Bale nag-continuity, assistant director. Maranaw siya (Direk Omar),” say ni Direk Joyce.
Walang masyadong detalyeng ibinigay si Direk Joyce kung bakit hindi natuloy ang unang direktor ng Marawi na si Sheron Dayoc.
“Iisa ang gusto naming sabihin pero magkaiba kami ng pupuntahan, so magkikita rin naman. Hanapin mo rin ‘yun, kasi kung ano kailangan ng pelikula. Iba kasi ‘yung gusto niya, hindi naman ‘yun ang kailangan ng pelikula,” paliwanag ng direktora.
Natanong din ang tungkol sa Istariray is Born na pagbibidahan daw ng bading pero mga awitin ni Regine Velasquez-Alcasid ang maririnig sa buong pelikula.
“Musical film ‘yun, dalaginding at nagpapa-audition pa,” saad ni Direk Joyce.
At ang Bouncer na isinulat at ididirek ni Ely Buendia.
“80’s film, ‘yun. Bouncer sa bar. Si Ely ang magdidirek kasi sakto, sa film naman ang natapos niya.”
Nariyan din ang Puppy Love na pagbibidahan ni Piolo.
“Literature na mula sa Japanese time, tapos balik siya hanggang sa bumata. Ang Japanese time ‘yung present tapos pabalik. Puppy love talaga.”
Napag-usapan din ang pelikulang Hayop Ka! na talagang bulgar ang mga salita, kaya nabanggit namin na hindi kaya maraming bleep-bleep, “Malamang, ha, ha, ha! Radio drama na ginawang animation, adult animation ito, balahura ang words, matapang talaga.”
As of now ay ang Kita Kita ang biggest hit ng Spring Films, na kumita ng P420 milyon, at pinagbidahan nina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi. Sinundan ito ng Meet Me in St. Gallen (Bela Padilla at Carlo Aquino), na nasa P180 milyon ang kinita, at Kimmy Dora 1 & 2 (Eugene Domingo).
Anyway, inamin ni Direk Joyce na baka itong Marawi na ang huling pelikulang gagawin niya dahil gusto na lang niyang maging consultant at producer kasama sina Piolo at Erickson Raymundo.
Dahilan ni Direk Joyce: “Wala na kasi akong mailabas. Nasaid na ako.”
-Reggee Bonoan