HINDI pala nagawang dalawin ni Maja Salvador si Gary Valenciano nang operahan kamakailan ang huli, dahil hindi niya kayang makita sa ganu’n kalagayan ang isa sa mga inspirasyon niya sa showbiz.
Sa ginanap na set visit ng The World of Dance Philippines nitong Miyerkules sa Studio 10 ay umamin ng isa sa mga hurado ng talent-reality show sa tunay na dahilan ng hindi niya pagdalaw kay Gary sa ospital.
“Ako naman batang-bata pa po talaga ako, mahilig talaga akong manood ng TV. Mag-16 years na ako sa industry sa March, at una akong minahal sa pagsasayaw. Dahil sa tulong po iyon ni kuya Dennis Sahagun at Teacher Georcelle (Dapat-Sy). Isa po ako sa pinagtiyagaan nilang turuan kasi mahiyain po talaga ako, ‘di ba, Tito Gary?” sabay baling kay Mr. Pure Energy.
Pero itinanggi ito ni Gary, hindi raw mahiyain si Maja.
“Hindi, actually I don’t know where I shared this from ASAP. I think it was the first or 2nd time na umapak siya sa stage para mag-rehearse. Tapos sabi nila (staff ng ASAP), okay si Maja, we need you on stage.
“So nakaupo lang ako do’n sa harap and she came out to dance. Naka-sweat out lang siya no’n. Pero nu’ng sumayaw na si Maja, talagang I really look for the heads ng ASAP at tinanong ko, ‘Sino ‘to? Sino siya?’ At sabi nila ‘ah, that’s Maja Salvador’. So kasama sa Salvador family, pero I’ve never seen a Salvador move like Maja Salvador.
“And it was at that time na sinabi ko na kung may mga iba pang kabataang katulad na maaaring gumalaw ng ganyan, mag-iiba talaga ang dance scene. And now hindi lang siya magaling na dancer, we all know that she is an award-winning actress,” pagbabalik tanaw ni Gary V.
Kinunan ng komento si Maja, at bumaling siyang muli kay Gary V.
“May moment po na naalala n’yo po ‘yung sa 14th floor? Sabay tayong nag-rehearse. Tapos umupo ako sa may tabing binata, tapos umupo si tito Gary. Naalala mo ‘yung sinabi mo sa akin, ‘just wait for it, ibibigay ni God.’
“Tapos nu’ng in-offer po sa akin itong WOD kasama si Tito Gary, sabi ko ‘grabe hindi ko lang siya kasama sa ASAP’. Idolo ko rin po siya sa lahat, pagsasayaw, pagkanta, sa lahat.
“Hanggang sa nangyari ‘yung health challenge tapos ‘yung buong WOD staff, dadalawin si Tito Gary. Hindi ko masabi sa kanila (staff) na hindi ko kayang mahina si Tito Gary,” sabi ni Maja, na tuluyang napaiyak.
“Ganu’n po ako sa mga taong mahal ko, hindi ko kayang makitang ganu’n, mga nagbibigay ng inspirasyon sa akin. Pero nag-text naman ako sa kanya,”naiiyak na kuwento ni Maja.
“Grabe po talagang mag-inspire si Tito Gary. Blessing po talaga si Tito Gary sa akin at sa aming lahat. Hindi ka mag-give up kung nasaan ka man dahil lagi niyang ipapaalala sa ‘yo, nandiyan si God! Kaya ‘pag Sunday lagi kong kinukulit si Tito Gary, pero hindi niya alam, gusto ko lang makarinig ng magagandang words.”
Going back go World of Dance, tatlong linggo pa lang itong umeere pero pumalo na agad ito sa 32.3% sa ratings game nitong Enero 13.
Marami pang aabangang dance acts sa World of Dance Philippines tuwing Sabado at Linggo, 7:30 p.m.
-Reggee Bonoan