SA pananaw ng marami nating kababayan, lalo na sa mga naniniwala sa pag-ibig, ang Pebrero ay Love Month o Buwan ng Pag-ibig. At ang isa sa mga dahilan, ang ika- 14 ng Pebrero ay Valentine’s Day o Araw ng mga Puso. Sa mga umiibig, ang Araw ng mga Puso ay natatanging panahon na lalong pinagtitibay ang pagmamahalan. Gayundin sa mga mag-asawa na sa kabila ng paglipas ng panahon at pagkakaroon ng mga anak, hindi pa rin naglalaho ang matapat na pag-ibig. Ngunit may ilan din naman na biglang tumabang at nauwi sa hiwalayan. At sa mga lalaking likas ang kapilyuhan, masaya sila sapagkat muling nakapanliligaw at nakapagpalit ng asawa. Nangyayari rin ito sa ilang babae na malandi, hitad, at makati.

Ngayong ika-2 ng Pebrero, sa litugical calendar ng Simbahan, ipinagdiriwang ang kapisatahan ng Candelaria o Candlemas Day. Mahalaga ang ika-2 ng Pebrero sapagkat pagdiriwang din ito ng Feast of Purigication o Paglilinis. At ang pag-aalay sa batang si Jesus sa Templo. Naniniwala naman ang marami na ang Candelaria ay pagdiriwang din ng kabataan ni Kristo.

Bukod sa mga nabanggit, ang ika-2 ng Pebrero ay kapistahan ng Mahal na Birhen ng Candelaria, na kilala sa tawag na “Nuestra Senora de la Candelaria”, ang patroness sa Kanlurang Bisaya na makulay at taunang tradisyon. Ang imahen ng Mahal na Birhen ng Candelaria ay na-beatify na ni Saint Pope John Paul 11 noong 1981.

Ang kapistahan ng Candelaria ay nakaugnay sa seremonya ng purification o paglilinis matapos ang pagsilang. At s autos ng Diyos, na itinakda ni Moises sa mga Hudyo, sinasabing hindi malinis ang isang babae na nagsilang ng sanggol o nanganak.

May naniniwala noon na ang isang ina na kapapanganak ay hindi maaaring magpakita sa publiko. Hindi rin maaaring humipo ng anumang bagay na pinaniniwalaang itinalaga sa Panginoon. Kaya, pagsapit ng ika-40 araw, maghahandog ang ina ng isang kordero o tupa o isang kalapati sa pintuan ng templo. Kung mahirap, maaaring palitan ng Batu-bato (wild pigeon).

Ang nasabing kaugalian ay sinunod ni Birheng Maria at ang kautusan na ang panganay na sanggol na lalaki ay ihahandog o ipakikilala sa Panginoon na kinakatawan ng isang pari o saserdote. Dinala nina Maria at Jose si Jesus sa templo, bilang pagsunod sa kaugalian.

Ang paghahandog sa Templo ng panganay na anak na lalaki ay isang ritwal na hindi malilimot na pangyayari sa kasaysayan ng Israel.

Ang pag-aalay ay pagpapahayag ng pasasalamat sa mahalagang pangyayari ng nakalipas at pananalig sa Diyos na pinagmulan ng lahat ng buhay. Ngunit ang pag-aalay kay Jesus sa templo ay isang hula kung ano ang kanyang magiging buhay. Isang pag-aalay sa Ama para sa katubusan ng lahat ng tao.

Sa ikaapat na Misteryo sa Tuwa o Joyful Mystery sa rosaryo, binabanggit ang pagdadala kay Jesus saTemplo.

Ipinahayag din ng Banal na Ispiritu sa matuwid na si Simeon, na isang propeta, na hindi siya mamamatay hanggang hindi niya si Kristong Panginoon. Nang dalhin si Jesus sa templo, natanaw siya ni Simeon sa bisig ni Birheng Maria. Sa paniniwala ni Simeon, iyon ay liwanag ng pagpapahayag, na luwalhati naman sa mga mamamayan ng Israel.

Ngunit pagkatapos ng paghihirap, pagpapakasakit at kamatayan sa krus ng Mananakop, kasunod na nito ang tagumpay ng liwanag para sa mga tao. Ang tunay na tagumpay sa katawan at kaluluwa.

Sa bahagi naman ng tradisyong Kristiyano, tuwing ika-2 ng Pebrero ay makikita sa mga simbahan ang pagdalo sa misa ng mga ina kasama ang kanilang mga anak. May dala silang mga kandila upang pabendisyunan sa pari.

Sa paniniwala ng mga Katoliko, ang liwanag ng kandila ay sumasagisag kay Kristo na Siyang Liwanag ng mundo. At sa buhay naman nating mga Pilipino, ang mga kandila ay mahalagang gamit sa iba’t ibang panahon at pagkakataon.

Ang kapistahan ng Candelaria ay ipinagdiriwang sa Candelaria, Quezon, Mabitac, Laguna, Silang, Cavite at iba pang bayan na ang patroness ay ang Mahal na Birhen ng Candelaria.

-Clemen Bautista