Binasag ng Malacañang ang mga espekulasyong lubhang makapapaminsala sa mga magsasaka ang nakaambang pagtatayo ng kontrobersyal na Pax Silica sa lupain ng Tarlac.
Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, Agosto 3, 2026, ibinala ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro ang umano’y “buildable zones” sa Tarlac na naghahati sa mga pasilidad na maaaring itayo sa nasabing lupain, at ibang bahagi nito na laan para sa taniman.
"Since 2019 po during the 2019 SEA Games, nagkaroon na po ng tinatawag nating buildable areas. Ito po ay allocated na since 2019. So sa lugar na ito ay wala nang farmers dahil ito ay na-approve na bilang buildable zones," paliwanag ni Castro.
Giit pa ni Castro, may nakalaan pa raw na tinatayang 6,000 ektarya ng lupain na para sa sakahan, at binigyang-diing maliit lang umano ang makukuha ng Pax Silica sa pagtatayo at operasyon ng nasabing pasilidad.
"Mayroon naman pong natitirang 6,000 hectares na reserved sa open green spaces, forest reserves, and designated zones for planned farming. So maliit lang ang maookupa nito," anang undersecretary.
Dagdag pa niya, "At 3,500 hectares ang kabuuan ng buildable zones at doon po maaaring ilagay ang proyekto regarding Pax Silica."
Hirit pa niya "So hindi po makakaapekto ito sa ating mga farmers."
Sa kabila ng malawakang pagtutol ng publiko sa konstruksyon ng Pax Silica sa Tarlac, ipinag-diinan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang ilang positibong epekto ng naturang proyekto.
“It will bring quality jobs to our people, accelerate our industrial competitiveness, and revitalize our economy,” anang Pangulo.
Pagdidiin pa niya, “As a strategic component of the Luzon Economic Corridor, the hub will be an advanced manufacturing and logistics center in the global AI and technology value chain.”
KAUGNAY NA BALITA: ‘It will bring quality jobs!' PBBM, aprub na sa Pax Silica?
Ang Pax Silica ay isang pasilidad na siyang nakatakdang gumawa ng mga materyales para sa mga teknolohiyang nakaangkla sa AI—bagay na mariin ding tinututulan ng karamihan.
Ayon sa mga kritiko, ang Pax Silica ay nakaangkla sa pagkuha at pagproseso ng mga critical mineral gaya ng nickel, cobalt, at iba pang mga sangkap na esensyal sa paggawa ng semiconductor at mga advanced na electronics.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Perwisyo o benepisyo?’ Mga dapat malaman tungkol sa Pax Silica