Magtatatlong dekada nang ipinagdiriwang sa Pilipinas ang Buwan ng Wika tuwing Agosto. Sari-saring programa at aktibidad ang inilulunsad ng mga komunidad, paaralan, at pamahalaan kaugnay nito.
Nariyan ang mga seminar at workshop tungkol sa wikang Filipino. Gayundin ang patimpalak sa pagsulat ng malilikhaing akda gaya ng tula, maikling kuwento, at sanaysay.
Hindi rin mawawala ang kaliwa’t kanang pagtatanghal ng sabayang pagbigkas, talumpati, o kaya naman ay dramatikong monologo.
Ngunit bago pa man maging isang buwang selebrasyon, nauna itong itakda bilang Linggo ng Wikang Pambansa sang-ayon sa Proclamation No. 35 ni dating Pangulong Sergio Osmeña noong 1946.
Sa ilalim nito, ipinagdiriwang na ang wikang Filipino mula Marso 27 hanggang sa pumatak ang Abril 2 kung kailan ang kaarawan ni Francisco "Balagtas" Baltazar. Si Balagtas ang tinaguriang “Ama ng Makatang Tagalog” na umakda sa imortal na “Florante at Laura.”
Makalipas ang siyam na taon, inilipat ni Pangulong Ramon Magsaysay sa pamamagitan ng Proclamation No. 186 ang Linggo ng Wikang Pambansa mula Marso patungong Agosto.
Ito ay dahil, ayon umano kay Magsaysay, sa bakasyon ng mga estudyante, pumapatak ang naunang pagdiriwang ng Linggo ng Wika kaya hindi naipagdiriwang sa mga paaralan.
Simula noon, ipinagdiriwang na ang wikang Filipino mula Agosto 13 hanggang sa sumapit ang kaarawan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon na pumapatak ng Agosto 19.
Si Quezon ang kinikilala bilang "Ama ng Wikang Pambansa." Bilang Pangulo ng Pilipinas sa ilalim ng pamahalaang Commonwealth noong 1935, inatasan niya ang Kapulungang Pambansa na magpasa ng Commonwealth Act No. 184 na naglalayong bumuo ng isang Surian ng Wikang Pambansa (SWP), na kalaunan ay naging Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Samantala, pagsapit ng 1997 ay tinuldukan na ang isang linggong pagdiriwang ng wikang pambansa para gawing isang buwan sa bisa ng Proclamation No. 1041 na nilagdaan ni Pangulong Fidel Ramos.
Kabilang sa nakasaad na rationale sa proklamasyon kung bakit itinalaga ang Agosto bilang Buwan ng Wika ay ang mahalagang kasangkapan ng isang katutubong wikang panlahat sa komunikasyon, unawaan, kaisahan at kaunlaran ng bansa.
Ayon kay KWF Full-time Commissioner Benjamin Mendillo, Jr, masyado umanong natakpan ng iba’t ibang wika ang kultura ng Pilipinas.
“Kaya gayon na lamang 'yong ating dapat na pagdiriwang para lalong kumintal 'yong ating pagpapahalaga sa wikang Filipino o wikang pambansa," saad ni Mendillo sa isang panayam noong Agosto 2025.
Unang isinagawa ang selebrasyon nito noong 1998 sa unang taon ng pamumuno ni Joseph Ejercito Estrada bilang ika-13 Pangulo ng Pilipinas.
Hanggang ngayon, patuloy na ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika tuwing Agosto.
Ngayong taon, nakasentro ang tema ng selebrasyon sa "Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon."
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: KWF, inilatag ‘responsableng’ paggamit ng AI para sa Filipino!