August 03, 2026

Home FEATURES Trending

Rider na naghatid sa isang UPCAT taker na hindi nakapag-exam, sinaluduhan!

Rider na naghatid sa isang UPCAT taker na hindi nakapag-exam, sinaluduhan!
Photo courtesy: Mai (FB)

Naantig ang netizens sa ipinamalas na kabutihang loob ng isang ride-hailing app driver sa pasahero niyang University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) applicant noong Linggo, Agosto 2. 

Mababasa sa post ng UPCAT applicant na si Mai na maaga siyang nag-book ng sakay sa ride-hailing app na “Move It” papunta sa kaniyang testing center dahil magmumula pa raw siya sa Antipolo City. 

Ang inakala niyang madaling biyahe, naging malaking aberya dahil sa paulit-ulit na pagkaligaw nila ng driver na si “Jeffrey.” 

Ikinuwento din ni Mai na una, mali ang na-pin niyang location kaya sa ibang lugar sila nadala ng Google Maps. 

Aniya bagama’t nagtanong-tanong sila mga guard at iba pang tao, maling lugar pa rin ang napupuntahan nila. 

Trending

Job applicant na inabutan ng interview sa mall, kinaaliwan

Gayunman hindi raw bakas kay Jeffrey na pasakit o abala ang mga naging pagkaligaw na ito at nagpatuloy pa rin sa pagtatanong-tanong upang umabot sa oras ng pagsusulit para sa UPCAT. 

Ngunit matapos daw ang higit isang oras na paghahanap sa testing center napagpasiyahan ni Mai na hindi na siya aabot sa oras ng pagsusulit kaya sinabi niya na kay Jeffrey na bababa na lamang siya at hindi na tutuloy sa testing center. 

Nang makababa na siya sa motorsiklo ikinuwento ni Mai na tinawagan na niya ang ina at dito na umiyak. 

Ilang minuto ang nakalipas, narinig daw ni Mai na tinawag siya ni Jeffrey at sinabing ihahatid na siya sa bahay nila dahil hindi raw nito maatim na iwan siya sa lugar na hindi niya kabisado. 

Bukod pa rito, hindi na raw siningil ni Jeffrey kay Mai ang biyahe pauwi. 

Bagama’t hindi nakadalo sa UPCAT, napagtanto ni Mai na naging malaman ang aral na natutuhan niya mula sa kabutihang ipinamalas ni Jeffrey sa kaniya. 

“I may not have made it to my UPCAT exam today, but I walked away with something I'll never forget. In a world where everyone's always in a hurry, a stranger chose kindness,” ani Mai. 

Kaya sa pagtatapos ng post ni Mai, personal niyang pinasalamatan si Jeffrey. 

“Thank you, Kuya Jeffrey. You didn't just give me a ride—you reminded me that there are still genuinely good people out there,” pasasalamat ni Mai. 

“I hope this post somehow finds you someday. May life return every bit of kindness you've shown to a complete stranger,” dagdag pa niya.