Bagama't hindi na magiging bagyo, magdadala pa rin ng pag-ulan ang dalawang low pressure area (LPA), na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Martes, Agosto 4.
Sa weather forecast ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, ang isang LPA, na dating bagyong Luis, ay namataan sa vicinity ng Baggao, Cagayan, habang ang isa pang LPA ay nasa coastal waters ng Balaoan, La Union.
"Itong dalawang low pressure area na ito ay may napakamababang tsansa na muling maging bagyo in the next 24 hours," ayon kay PAGASA weather specialist Veronica Torres.
Dagdag pa niya, ang dalawang LPA ay magdadala ng pag-ulan sa Northern at Central Luzon. Habang ang southwest monsoon o habagat naman ang magdadala ng pag-ulan sa Metro Manila, ilang bahagi ng Southern Luzon, at westernmost portion ng Visayas.
Ang panahon ngayong araw ng Martes ay inaasahang magiging maulan sa Ilocos region, CAR, Cagayan Valley, at Central Luzon dulot ng LPA.
Southwest monsoon o habagat naman ang nakakaapekto sa lagay ng panahon sa Metro Manila, CALABARZON, Marinduque, Oriental at Occidental Mindoro.
Sa nalalabing bahagi ng Luzon ay asahan ang partly cloudy to cloudy skies at localized thunderstorms.
Sa Visayas, partikular sa Antique, Iloilo, at Guimaras, magdadala ng pag-ulan ang habagat.
Sa nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao ay makararanas ng partly cloudy to cloudy skies at localized thunderstorms.