USAPING Sylvia Sanchez, inamin niyang hindi siya ang unang choice para gampanan ang lead role sa pelikulang Jesusa na unang venture ng OEPM o Oeuvre Events and Production Management sa direksyon ni Ronald Carballo.

Sylvia copy

Ang nag-iisang superstar na si Ms. Nora Aunor ang unang napiling gumanap sa pelikula at intended ito for international release, pero nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan kaya napunta kay Ibyang ang role.

Kuwento ng aktres sa ginanap na mediacon ng Jesusa nitong Martes sa West Avenue Suites, “naging honest sila sa akin na second choice ako. Hindi naman ako nasasaktan e. Kasi sa ‘Be Careful With My Heart’ hindi ako first choice doon. Maraming projects na hindi ako first choice, pero sa akin napupunta at ako ang suwerte. Hindi importante sa akin kung sino ‘yung first choice nila. Ang importante sa akin, sa akin napunta at gagampanan ko nang buong-buo.”

Tsika at Intriga

Kris Aquino, nagsalita sa chikang ikinasal na siya sa non-showbiz boyfriend

Sa tingin ba ni Sylvia ay may pagsisi sa parte ng superstar kung sakaling mapanood niya ang pelikula?

“Maganda ‘yung proyekto, as in maganda. ‘Pag napanood niya, hindi ko alam, baka ayaw niyang gawin kasi hindi niya talaga gustong gawin, kung anumang rason.

“Mayroon din nga kasing nagtatanong sa akin ng ganito na sinasabihan nila ako na ngayon pa lang inaano nila ako kay Ate Guy na parang, ‘After Ate Guy, ikaw na ‘yung sunod. Ano ang pakiramdam?’

“’Yung parang kinu-compare ako kay Ate Guy. Gusto ko lang sabihin sa inyo dito na, please huwag niyong gawing i-compare ako kay Ate Guy. Kasi ni katiting sa narating ni Ate Guy, hindi ko narating iyon.

“Ate Guy is Ate Guy, no comparison. Irespeto natin ang superstar dahil pinaghirapan ni Ate Guy iyan. Isa ako sa may respeto at humahanga kay Nora Aunor, sa superstar natin. At kahit anong mangyari, kahit hindi niya ito nagawa, ako ang gumawa, lalapit pa rin ako sa kanya at sasabihin ko na walang yabang, ‘Ikaw pa rin ang nasa top. Ikaw pa rin ang nirerespeto ko. Ikaw pa rin ang nag-iisang Nora Aunor!’ Nora Aunor is Nora Aunor! Walang makakapantay, walang makakalagpas”.

Pagkatapos ng mahabang pahayag na ito ng aktres ay nagpalakpakan ang lahat ng mga katotong humahanga kay Ate Guy.

Kung hindi kami nagkakamali ay isa ito sa dream role ni Sylvia na ikinuwento niya noong Christmas party sa bahay nila, na pinahulaan pa sa amin ito at sabi lang niya, “abangan n’yo na lang.”

Bakit naging dream role? “Kasi hindi pa ako inalok ng ganitong klaseng role, kaya gustung-gusto ko nu’ng nalaman ko at saka kay ate Guy pala ito, hindi nga natuloy ‘di ba kaya nu’ng i-alok sa akin, gusto ko,” ito ang kuwento ng aktres noong nakaraang taon.

Sa nasabing mediacon ay ikinuwento niya nang buo sa mga dumalo kung paano siya kinausap ni Direk Ronald.

“Nu’ng kinausap ako ni Direk Ronald kung ano ‘yung role, ano ‘yung ganito, ganu’n. So, in-explain niya sa akin. Hindi niya alam, slowly bawat detalye ng salita about Jesusa pumapasok na siya sa sarili ko, pumapasok na siya sa katauhan ko, parang ako na si Jesusa.

“Tapos isa lang ang gusto kong marinig para totally matanggap ko na ‘yung movie. After nu’ng kinausap ako ni Direk Ronald, sabi ko, ‘Wow! Ibang-iba ito sa akin. So, sige kunin ko ito.’ Kasi ‘yung role, nakita niyo naman, naging loka-loka, naging adiktus. Never kong ginawa, never akong naging addict sa role, so parang, ‘Wow! Challenging, bagong role, so why not?’

“Ngayon, nu’ng pagkatapos magsalita ni Direk Ronald, isa lang ang tinanong ko talaga, ‘Direk Ronald, anong klase kang direktor?’ Kasi kilala ko si Ronald as reporter, writer ng iba’t ibang shows. Hindi ko siya kilala as director. Kilala ko siya na ‘pag si Ronald, ang taray, ‘yung ganu’n. ‘Yun ang nasa isip ko. So, ang naisip ko magtataray ba siya?

“So, tinanong ko siya kung anong klase ba siyang direktor. Mabait ba siya sa set? Naninigaw ka ba ng artista? Nanenensyon ka ba ng artista? Sabi niya, ‘Ay, hindi, chill lang ako. Hindi ako naninigaw.’

“Good, kasi sabi ko, kahit sabihing marunong akong umarte, kahit sabihing kung ilang shows at movies na ang nagampanan ko, takot ako sa direktor na sinisigawan ako. Takot ako sa direktor na tinetensyon ako. Takot ako ‘yung binubungangaan sa set kasi hindi ko naibibigay ‘yung best ko.

“Mas gusto ko kausapin ako ng direktor ko at i-explain sa akin nang mabuti. Kaya nu’ng sinabi niya, ‘Cool lang ako sa set. Walang sigawan. Walang tensyunan.’ Then sabi ko, ako na si Jesusa. Direk, oo tatanggapin ko na ang movie.”

Tawang-tawa ring ikinuwento ni Ibyang na nu’ng tawagan siya ng producer na si Daddie Wowie para sa meeting nila ni Direk Ronald ay hindi binanggit kung sino ang ka-meeting niya, kaya nagulat siya at ganoon din ang direktor na walang ideya na ang aktres ang imi-meet niya.

Sabi ni Daddie Wowie sa amin, “hindi ko talaga sinabi sa kanila, bahala na silang magkagulatan, e, hayun, nagkagulatan nga, ha, ha, ha. Si Ronald, muntik mag-walk out kasi hindi naman sila magkakilala pa.”

Mga kaibigan ni Daddie Wowie ang producers ng Jesusa na sina Junell Rayos at Jean Hidalgo. Sila ang nagtayo ng OEPM Productions.

Nabanggit pa na sa ibang bansa muna ito ipalalabas bago sa Pilipinas.

Ang makakasama ni Ibyang sa Jesusa ay ang award winning actor na si Allen Dizon, sina Ynez Veneracion, Mara Lopez, Malu Barry, Vince Tanada, Beverly Salviejo, Dean Rafols, OJ Bacor, James Lomahan. May special participation din sa pelikula sina Fanny Serrano at Mon Confiado, at introducing Uno Santiago na hinulaang sisikat dahil sa ganda nitong magsalita, tindig at guwapo.

-Reggee Bonoan