Usap-usapan ang X post ng beteranong ABS-CBN news anchor-broadcast journalist na si Karen Davila matapos niyang batikusin ang ikalawang sunod na boycott ng Senate majority bloc sa plenary session ng Senado nitong Martes, Hunyo 2.
Sa isang post sa X, tahasang ipinahayag ni Davila ang kanyang pagkadismaya sa hindi pagdalo ng ilang senador sa sesyon, na nagresulta sa kawalan ng quorum at muling pagkaantala ng mga gawain sa Senado.
"Absolute disrespect for the Filipino people. What entitlement," saad ni Davila.
Dagdag pa niya: "Mag-boycott tayo. Huwag mag trabaho. Hayaan natin ang mga nakabinbing panukala."
Hindi rin napigilan ng news anchor na paalalahanan ang mga mambabatas tungkol sa kanilang responsibilidad bilang mga halal na opisyal ng bayan.
"Mga senador, binabayaran kayo ng taumbayan. Pambabastos ito sa Pilipino."
Photo courtesy: Screenshot from Karen Davila/X
Ang naturang pahayag ay kasunod ng ikalawang araw na hindi pagsipot ng mga senador sa majority bloc sa plenary session.
Sa isang Facebook Live, ipinaliwanag mismo ni Senate President Alan Peter Cayetano na sinasadya ng majority bloc ang hindi pagpasok bilang isang parliamentary tool upang pigilan ang mga hakbang na maaaring magresulta sa pagpapalit ng mga committee chairmanship sa Senado.
Partikular na binanggit ni Cayetano ang usapin ng Blue Ribbon Committee, na isa sa mga komiteng sentro ng kasalukuyang tensyon sa loob ng mataas na kapulungan.
Ayon sa Senate President, bahagi ito ng kanilang estratehiya habang nagpapatuloy ang alitan kaugnay ng mga pagbabago sa liderato at estruktura ng Senado.
Naging usap-usapan rin ang boycott matapos itong iugnay ng ilang senador sa naging pagsuko sa mga awtoridad ni Sen. Jinggoy Estrada dahil sa kasong plunder noong Lunes, Hunyo 1.
Samantala, patuloy namang naghihintay ang publiko sa pagbabalik ng normal na operasyon ng Senado, lalo na't may mga nakabinbing mga panukala at mahahalagang usaping pambansa na kinakailangang talakayin ng kapulungan.