“NO (relationship), but we are exclusively dating, and I’m the happiest right now. And for any details, hanggang doon na lang po muna ang masasabi ko.”
Ito ang diretsong pag-amin ni Arjo Atayde tungkol sa relasyon nila ngayon ni Maine Mendoza.
Nauna naming nakapanayam ang aktor sa ABS-CBN para sa Kapamilya Chat promo ng pelikulang ‘TOL kasama sina Joross Gamboa at Ketchup Eusebio, produced ng Reality Entertainment na idinirek ni Miko Livelo.
Ang tungkol kay Maine kaagad ang tinanong namin pero sinagot kami nang maayos ni Arjo.
“After the presscon na lang po ng ‘TOL, tita, para isahan na lang. Kasi kung sasagutin kita now, mag-isa ka lang o dalawa lang po kayo (kasama namin ang writer ng Manila Bulletin na si Stephanie Bernardino). At least doon maramihan na.”
At dahil si Arjo ang may isyu sa kanilang apat nina Joross, Ketchup at Jessy Mendiola ay siya talaga ang inabangan ng lahat. Tinanggal muna niya ang suot niyang ‘TOL T-shirt para hindi masabing ginagamit niya ang isyu nila ni Maine para sa pelikula niya.
‘SHE MAKES ME LAUGH’
Ang halos iisang tanong ng lahat kay Arjo: Ano ang nagustuhan niya kay Maine?
“Everything. I’m just really happy. She makes me laugh all the time,” saad ng aktor.
Kailan nagsimula ang exclusively dating nila ni Maine?
“Hanggang doon na lang po muna ang masasabi ko,” magalang na sagot ni Arjo.
HAMON SA BASHERS
Simula nang maugnay si Arjo kay Maine ay kaliwa’t kanang bira na ang inaabot niya, kasama ang buong pamilya Atayde, tungkol sa umano’y panggagamit niya sa isa sa moneymakers ng GMA 7 at Eat Bulaga.
Bagamat hindi lang naman si Arjo ang nabibira kundi si Maine rin, dahil sagabal daw ang aktor sa tambalan ng actress-TV host kay Alden Richards. Hinamon naman ni Arjo ang lahat ng bashers na magpakita sa kanya at hindi lang puro kuda sa social media.
“I would fight if the girl is willing to fight for me, to be honest. She’s had enough bashing and also with my family. Ano lang ako, eh, for me, to insult me is fine. I’m a very passive person.
“But to insult my family and Maine, sabi ko nga sa social media, I let it go, wala akong kalaban diyan, eh. But do it in front of me, I’m sure I’m gonna hit the hell out of you.
“That’s the only one thing that I don’t know. How to get mad. I don’t know how to disrespect people. I despise disrespectful people.
“If they disrespect me, it’s fine though. But for my family to get affected, for Maine to be disrespected, like anything, that’s not okay with me.
“But in front of me, try it. I dare you, guys. I dare you!” diretsahang sagot ng aktor.
Sobrang napuno na kasi si Arjo kaya ganito na ang mga pahayag niya tungkol sa bashers na idinamay ang pamilya niya at si Maine, na hindi rin naman kayang pangatawanan ng mga nambibira.
HANDANG MAGDEMANDA
Nabanggit kay Arjo na kaya siguro sila bina-bash ay dahil nagseselos since hindi naman sila pareho ng network ni Maine. Siyempre may ibang ka-love team ang aktres.
Aware ba sila rito, lalo na si Maine?
“I understand and I try to understand, were just passive about it. We still go out but siguro for me lang is I can’t do anything nga. Wala po akong laban sa social media. Tao-tao, you do it to me in person, don’t keep talking on troll accounts and all that stuff kasi it ain’t gonna work for me or ain’t gonna work that way.
“I cannot fight back (to) nameless, faceless people,” sabi ni Arjo sabay ngiti. “I cannot, it’s a waste of time.”Nabanggit din ang cyberbullying at inamin ni Arjo na handa siyang magdemanda sa sinuman.
“That’s a no brainer thing to do, I’m sorry but it’s true. I can sue you,” diin ng aktor.
‘WE’RE DATING AND I’M HAPPY’
“Honestly all the bashers, I’m trying to understand where you’re coming from, but to disrespect my family and Maine, this is a personal thing. I don’t wanna explain further I’m sorry. Basta we’re dating and I’m happy.
“To the bashers, keep going it’s not gonna affect us. Weren’t gonna shut anything down because of you guys,” say ni Arjo.
Inalam din kung kumusta ang pakikitungo ng pamilya ni Maine kay Arjo.
“Hanggang doon lang po muna tayo, I’m sorry,” ulit-pakiusap ng aktor.
Tinanong din namin kung totoong sundo’t hatid niya si Maine sa papunta at pauwi galing sa Eat Bulaga.
“Again, hanggang doon lang po muna, tita. What you see is what you get,” sagot ulit ng binata.
Hirit namin ulit, ‘pag sinabi bang “dating” nagsasabihan ng “I love you”?
“Depende sa inyo ‘yun,” sagot ni Arjo, sabay tawa.
At dahil nagtapos si Maine ng culinary arts, tinanong namin ang aktor kung ipinagluluto siya ng dalaga.
“Ha, ha, hanggang doon lang po muna, tita,” tumawa ulit na sagot sa amin.
Ilang weeks o months na silang exclusively dating nila?“I don’t wanna see how we started. Basta, we’re dating.”
Kapag magkasama raw ang dalawa ay hindi nila napag-uusapan ang kani-kanilang mga trabaho kaya hindi rin alam ni Arjo kung manonood si Maine ng ‘TOL.
PAYAG MAKATRABAHO SI ALDEN
“We haven’t talk about it and Maine has nothing to do with my work at all. This is me and if she’s going to support me, thank you. But I know she’s busy. So, wala po akong sagot diyan,”pagtatapat ng binata.
Type ba ni Arjo na maging leading lady si Maine?
“I’m on the personal side, this is not the showbiz thing. We haven’t talk about anything like that, but if it happens, thank you Lord we got to work together. But if we don’t it doesn’t really matter. What matters to me is the personal side.”
Kung si Alden naman ang makakatrabaho ni Arjo, okay lang sa kanya?
“I’m open to anyone and I said this a lot of times, wala po akong pinipiling artista. If the production team or bosses think the character of the actor fits the role, that’s how I am. I’ve been working for seven years and I’ve been working with all these actors left and right and I have no say. I’m just very thankful kasi ang mga ibinibigay sa akin na katrabaho ko, mahuhusay! So I’m learning that way and I’m so happy.”
SAAN NAGKAKILALA?
Anyway, for the record ay hindi sa pelikulang Jack Em Popoy: The Puliscredibles nagkakilala sina Arjo at Maine, kundi sa launching ng Mac cosmetics na ineendorso ng dalaga. Naimbitahan kasi ang aktor sa said event, kasama ang kapatid na si Ria Atayde.
But prior to that ay nag-tweet na si Maine noong 2013 ng “Arjo cutie”, na hindi lang namin alam kung saan at paano nasabi ito ng dalaga.
Kaya nang magkasama na sila sa pelikula nina Vic Sotto at Coco Martin na entry sa 2018 Metro Manila Film Festival ay mas naging malapit sila sa isa’t isa. Kapag break time ay lumalabas daw sila para magmeryenda.
Going back to ‘TOL ay mapapanood na ito sa Miyerkules, Enero 30, mula sa Reality Entertainment.
-REGGEE BONOAN